June 30, 2026

Home BALITA

Defensor, atbp Duterte supporters naispatan sa White Ribbon Movement

Defensor, atbp Duterte supporters naispatan sa White Ribbon Movement
Photo Courtesy: Screenshot from Bea Pinlac (FB)

Namataan si dating Anakalusugan Rep. Mike Defensor sa pagtitipon ng White Ribbon Movement sa EDSA People Power Monument noong Linggo, Hunyo 28.

Kasama ni Defensor si Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Atty. Harold Respicio at iba pang Duterte Die-hard Supporters (DDS).

Matatandaang sa eksklusibong panayam ng Balita noon ding Linggo, inusisa si Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Chairperson Teddy Casiño kung nakita niya ba si Defensor at Atty. Ferdinand Topacio na naghayag ng interes na dumalo sa pagtitipon.

Sabi ni Casiño, “Hinintay ko nga, e. Hindi lang si Mike Defensor [kundi pati] si Ferdinand Topacio kasi paiiyakin niya raw ako. Pero wala pa. “

Maki-Balita: Defensor, Topacio no show sa White Ribbon Movement—Casiño

National

Defensor, magsasampa ng kaso 'sa tamang panahon' vs Matibag!

Ngunit sa panayam ng GMA Integrated News noon ding Linggo, sinabi ni Defensor na mas pinili umano nilang lumayo sa stage ng programa upang hindi na rin makalikha pa ng gulo.

Aniya, “Bigay-respeto na rin namin sa kanila 'yon na mayroon silang stage do'n, may programa sila. Kami naman, nandito rin naman kami.”

“Pero nakikiisa pa rin kami sa kanila. Hindi naman ibig sabihin na kalaban namin sila. Mas mabuti na nga nandito kami para malaya silang makagawa ng kanilang programa,” dugtong pa ni Defensor.

Ayon sa kaniya, pareho lang naman umano ang ipinaglalaban nila kontra korupsiyon. 

Samantala, sabi naman ni Respicio, kung inimbitahan umano sila ni Casiño para magsalita sa stage, magpapaunlak raw sila.

“Magmamartsa kami, pupunta kami do'n [sa stage] ngayon. Walang problema. Sasabay tayong sisigaw. Itigil na ang korupsiyon sa Pilipinas,” saad ng bise-alkalde.

Bukod kina Defensor at Respicio, napaulat ding dumating si SAGIP Party-list Rep. Paolo Marcoleta sa EDSA People Power Monument para maghatid umano ng pagkain sa ilang grupo. Agad din namang sumibat ang kongresista pagkatapos.