July 19, 2026

Home BALITA National

Sen Imee, tinira ang gobyerno: 'Tulog, lasing sa kapangyarihan, bangag!'

Sen Imee, tinira ang gobyerno: 'Tulog, lasing sa kapangyarihan, bangag!'
Photo courtesy: Screenshot from Imee Marcos (FB)/MB File Photo

Muling umani ng atensiyon si Sen. Imee Marcos matapos niyang banatan ang administrasyon ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isinagawang rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa kahabaan ng EDSA nitong Martes, Hunyo 30.

Sa kaniyang talumpati, inilarawan ni Imee ang kasalukuyang pamahalaan bilang isang “gobyernong tulog” at umano’y “lasing sa kapangyarihan,” kasabay ng pagbatikos sa kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.

“Kasuklam-suklam ang gobyernong manhid! Manhid at walang pakialam sa hirap ng ating mga magsasaka at mangingisda, mga sektor na nagpapakain sa atin na halos walang makain. Gobyernong tulog, lasing sa kapangyarihan,” ani Marcos.

Idiniin din ng senador na tila umano’y hindi pinapakinggan ng pamahalaan ang hinaing ng ordinaryong mamamayan.

“Wala silang pakialam. [Sa]pagkat itong gobyerno ay bangag,” dagdag pa niya.

National

Tinatayang 20,000 pulis, ipakakalat sa SONA ni PBBM!

Bukod dito, kinuwestiyon din ni Marcos ang nakatakdang opisyal na pagbisita ng kapatid sa Canada mula Hulyo 1 hanggang 4.

Ayon sa senador, sa halip na unahin ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa, dapat umanong tutukan ng administrasyon ang mga problemang kinahaharap ng mga Pilipino, kabilang ang mataas na presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.

“Sadyang pipiliin pang bumiyahe, makihalubilo sa Canada, sa mga dayuhan sa Amerika habang ang mga Pilipino ay nagdurusa sa gasolinang hindi abot-kaya, pagkaing ginintuan, at napakahirap na buhay,” pahayag niya.

Hindi ito ang unang pagkakataon na hayagang bumatikos si ng senadora ang administrasyon ng kaniyang kapatid. Sa mga nagdaang buwan, ilang beses na rin niyang kinuwestiyon ang ilang polisiya at hakbang ng pamahalaan sa iba’t ibang usapin.

Matatandaang sa naging malawakang rally ng INC sa Quirino Grandstand sa Luneta noong 2025, hayagang sinabi ng senadora na isang "adik" ang kaniyang kapatid dahil sa umano'y paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Samantala, isa rin sa mga dumalong senador mula sa minorya sa nabanggit na rally si dating Senate President at ngayon ay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, na humingi naman ng paumanhin sa mga naabalang motorista at commuter na naipit sa trapiko. 

Maki-Balita: Sen. Cayetano sa mga naabala ng INC rally: 'Pasensya, para magising tayo sa nangyayari!'

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang Malacañang kaugnay ng pinakahuling mga banat ng senador laban sa administrasyon.