CABUYAO CITY, Laguna – Patay ang isang lalaking nagwawala matapos na barilin ng isang pulis na umawat lamang sa kanya sa Barangay Banay nitong Huwebes ng umaga.
Ang suspek ay nakilala ng pulisya na si Domingo Esplana na dead on arrival sa ospital dahil sa tama ng bala sa katawan.
Isinugod din sa ospital si Patrolman Abelardo Ara Simon dahil sa sugat sa ulo.
Sa ulat, nakarating sa pulisya ang insidente ng pagwawala ni Esplana, gamit ang isang pamalong kahoy, sa national road, dakong 9:30 ng umaga.
Nang lapitan ito ng pulis upang pakalmahin, bigla na lamang itong sinugod at pinalo ng kahoy.
Agad namang binaril ito ng pulis gayunman, nakatakbo ito kahit sugatan at nakatalon pa sa isang creek kung saan ito naaresto.
Agad din itong isinugod sa pagamutan kung saan ito binawian ng buhay.
Danny Estacio