Nababahala si Senator Win Gatchalian sa mababang resulta ng pagsusulit ng mga guro sa Licensure Examination for Teacher (LET) kung saan hindi pa umabot ng 50 porsiyento ang nakapasa mula 2014 hanggang 2017.
Sa pagdinig sa Senado, ibinahagi ni Professional Regulation Commission (PRC) Board for Professional Teachers chairman Dr. Rosita Navarro, wala pang limampung porsyento (48.86%) ang average passing rate para sa mga kumuha ng LET sa unang pagkakataon mula 2014 hanggang 2017.
Aniya, kahit noong nakaraang taon ay mababa ang naitalang passing rate para sa mga kumuha ng LET. Sa elementary level, ang passing rate para sa mga kumuha ng LET noong Marso 2019 ay wala pang tatlumpung porsyento (27.29%) habang mahigit tatlumpung porsyento (31.24%) lamang ang mga nakapasa noong Setyembre ng nakaraang taon.
Para naman sa secondary level, ang passing rate para sa mga kumuha ng LET noong Marso 2019 ay dalawampu’t limang porsyento lamang (25.95%) at halos apatnapung porsyento (39.69%) lang para sa mga kumuha nito noong Setyembre.
-LEONEL ABASOLA