HALOS pitong buwan na ang nakalilipas mula nang magpatupad ng lockdown ang pamahalaan dahil sa COVID-19 pandemic. Marso 15, nang unang ipatupad ang general community quarantine (GCQ). Mula rito naranasan nating sumailalim sa ECQ (enhanced community quarantine), MECQ (modified enhanced community quarantine) at MGCQ (modified general community quarantine). Ano mang acronym ito, ang katotohanan ay nagdulot ito ng pinsala sa kalusugan at kabuhayan ng tao.
Nagdulot ang lockdown ng matinding paghihirap sa mga tao at nagpabagal sa mabilis na paglago ng ekonomiya sa rehiyon. Nawala ang kabuhayan ng mga tao. Sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE) lumalabas na higit 3.5 milyong mangagawa ang naapektuhan ng coronavirus disease pandemic kasama ng higit 200,000 Pilipino na “permanenteng” nawalan ng pinagkakakitaan.
Samantala, mayroon namang halos 8 milyong tao (hanggang nitong Oktubre 4) sa buong mundo na nahawa ng coronavirus disease ngunit mapapansin na 1% lamang ang malubha o kritikal at 99% ang may mild symptoms. Ang Pilipinas ay may higit 58,000 aktibong kaso kasama ng 1,758 na ikinokonsiderang malubha o kritikal.
Nagbigay ng dalawang mahalagang katotohanan ang ating naging karanasan sa pandemya at lockdown: (1) kinakailangan nating palakasin ang kakayahan ng ating sistemang pangkalusugan upang malabanan ang banta ng coronavirus,(2) kailangan nating mabuhay sa gitna ng virus upang mabigyan ng pagkakataon ang ekonomiya na makabangon.
Nabasa ko ang isang magandang artikulo sa New York Times na bumanggit sa pahayag ng health minister ng Italy—ang unang bansa sa Europe na nagpatupad ng national lockdown at isa sa unang pinakamatinding tinamaan na bansa sa mundo—na nagsabing “we are in a living-with-the-virus phase.” Idinagdag pa ni Roberto Speranza na bagamat ang “zero infection rate does not exist, we are now far better equipped to handle a surge in infections”.
Ito ang kapabilidad na kailangan nating makamit. Lahat ng lebel at ahensiya ng pamahalaan ay kailangang pumasok sa “living-with-the-virus mode”. Dahil tulad ng inihayag ng Italian minister “there is not going to be another lockdown.” At ang tanging paraan upang matapos ang lockdown na nagparalisa ng ating ekonomiya ay gamitin ang ating natutunan at mahigpit itong iimplementa.
Nangangahulugan ito na kailangang mahigpit na maipatupad ng pambansa at lokal na pamahalaan ang pagsusuot ng face masks, gawin ang social distancing partikular sa mga lugar na kalimitang dinadagsa ng tao, at higit sa lahat ang probisyon para sa mas maraming resources upang makapag-test, isolate at trace ang coronavirus. Hindi tayo puwedeng maupo na lamang at maging reaktibo. Kailangan natin ang mabilis na pag-aksiyon upang mapigilan ang pagdami ng impeksyon sa lokalidad.
Kritikal ito, lalo na ngayon na plano ng pamahalaan sa unti-unting buksan ang mahahalagang aspekto ng ekonomiya. Inanunsiyo kamakailan ng pamahalaan na bubuksan na nito ang mga tourist destinations sa bansa para sa mga lokal na turista. Ito’y isang pagsunod sa naging hakbang ng Baguio City at Boracay na nagbukas na para sa mga lokal na bisita kasama ng pagpapatupad ng health restrictions upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Suportado ko ang unti-unti, hakbang-hakbang na plano para sa muling pagbubukas ng turismo. Tiyak itong makatutulong sa mga tao at komunidad na ang kabuhayan ay nakaasa sa lokal at banyagang turismo. Susi rito ang pagpapatupad ng mga ahensiya ng malakas na mga health protocols. At kailangan dito ng pamahalaan ang kooperasyon ng publiko.
Ang “living with the virus” ay nangangahulugan na kailangan nating hasain sa publiko ang ugali na nakabase sa health at safety protocols—maayos na isuot ang mask lalo na kung may taong malapit sa atin, kahit pa nagmamadali tayo dapat nating panatilihin an gating distansiya, iwasan ang paghawak sa mga bagay at paghawak sa mukha.
Tila nasa isang mahabang bangungot tayo at ang tanging nais natin ay magising. Ngunit hindi ito kasing dali ng paggising at tapos na ang lahat. Mananatili ang virus. Kailangan nating magising sa isang bagong mundo, hindi sa lockdown, ngunit sa pagtutulungan ng mga tao na malampasan ang krisis pankalugan na ito.
-Manny Villar