Naaresto ng pulisya at militar ang isang babaeng Indonesian suicide bomber, kasama ang dalawa pang babaing tauhan nito na umano’y miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Barangay San Raymundo, Jolo, Sulu kahapon ng madaling araw.
Sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court ng Jolo, nadakip ang suspek na kinilalang si Rezky Fantasya Rullie, alyas Cici.
Ang dalawang tauhan nito ay nakilalang sina Inda Nurhaina, asawa ni ASG sub-leader Ben Tatoo at Fatima Sandra Jimlani na asawa naman ni Jahid Jam, na isa ring miyembro ng nasabing bandidong grupo.
Nadakip ang mga ito sa Bgy. San Raymundo sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court ng Jolo, dakong 1:30 ng madaling araw.
Sa pahayag naman ni Joint Task Force Sulu spokesperson Lt Col. Ronaldo Mateo, dinampot ang suicide bomber kasama ang dalawa pang suspek sa bahay ni Tatoo.
Nasamsam sa operasyon ang suicide vest na may nakasabit na pipe bombs at iba pang mga improvised explosive device (IED) components.
Nakakulong na ang tatlong suspek sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa Sulu Police Provincial Office.
Paliwanag naman ni JTF Sulu chief, Brig. Gen. William Gonzales, matagal na nilang tinutugis ang nasabing suicide bomber.
Si Rullie aniya ang pangunahing suspek na kabilang sa listahan ng mga terorista na maglulunsad ng suicide bombing sa bansa.
Sa rekord ng pulisya, ang asawa ni Rullie na si Andi Baso na isa ring suicide bomber ay nasawi sa engkwentro laban sa mga tropa ng pamahalaan nitong Agosto 29, 2020.
Sinabi rin ng pulisya na si Rullie ay anak ng mag-asawang Indonesian na nagpasabog sa Jolo Cathedral noong Enero 27, 2019.
Kinakanlong umano ng grupo nina ASG leader Mundi Sawadjaan at Radulan Sahiron ang nasabing terorista.
-Fer Taboy