Kumpirmadong binawian ng buhay ang siyam na inmates at pitong iba pa ang nasugatan sa riot ng dalawang magkalabang grupo sa loob ng maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling araw.

Ito ang inihayag sa isang panayam kay Bureau of Corrections (BuCor) Public Information Office chief, Col. Gabriel Chaclag.

Aniya, nagkainitan at nagkarambulan ang magkalabang gang na Sputnik at Commando sa east quadrant sa maximum security compound, dakong 1:00 ng madaling araw.

Anim na kasapi ng Sputnik gang ang namatay habang tatlo naman sa Commando ang nasugatan at nilalapatan ng lunas sa NBP hospital ang pitong preso.

Politics

Pulong, balak itapat ni VP Sara kay Romualdez sa House Speakership?

Paliwanag ni Chaclag, naisumite na nila ang inisyal na report sa tanggapan ng Department of Justice kaugnay ng insidente na nakontrol na ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Nasamsam aniya ang mga improvised weapon o armas sa pinangyarihan ng insidente.

Idinugtong pa ni Chaclag na nakausap na ni BuCor Director Gen. Bantag ang dalawang lider ng sangkot na gang at nangakong hindi na umano mauulit ang gulo.

-Bella Gamotea