Aabot na sa 161 kongresista ang nagpahayag ng suporta kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang Speaker ng Kamara.
Sa pahayag ng mga kaalyado ni Velasco sa pangunguna ni Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon, ang bilang nila hanggang nitong Huwebes ay 161 na.
“The number as of now, because I’m one of those listing actually and [I] was able to talk to almost all of the members together with the party leaders, as of now we have more or less about 161,” ayon kay Leachon.
Ang bangayan sa speakership nina Rep. Alan Peter Cayetano at Velasco ay patuloy sa pag-init dahil sa pag-angkin ng magkalabang kampo (Cayetano at Velasco) na sila ang may numero para manalo bilang Speaker.
Ang isyu sa speakership ay inaasahang malulutas sana sa Oktubre 14 alinsunod sa term-sharing deal, gayunman kumilos si Cayetano at mga alyado na suspendihin ang sesyon hanggang Nov. 16.
Sa ilalim ng hatian na mismong si Pangulong Duterte ang namagitan noong 2019, magsisilbi si Cayetano sa unang 15 buwan sa 18th Congress, samantalang papalitan siya ni Velasco bilang speaker sa nalalabing 21 buwan o Hunyo 2022.
Binira ni Leachon ang pagsuspinde ni Cayetano sa sesyon na dapat ay sa Oktubre 14 pa dapat mag-adjourn ang Kongreso.
Bert de Guzman