Sa halip na P1.1 bilyon ang ibinigay ng Kamara sa hinihinging budget ng Energy Regulatory Commission (ERC), tinapyasan ito at ginawang P564 milyon na lamang.
Nitong Biyernes ng gabi, tinapos ng Kapulungan ang deliberasyon sa budget ng ERC, ang ahensyang may mandato mag-regulate sa power sector ng bansa.
Ipinaliwanag naman ni Pampanga Rep. Juan Miguel Arroyo, vice chairman ng House committee on appropriations, makaaapekto ang malaking kabawasan ng budget sa kakayahan ng ERC na maisagawa at matupad nito ang mga tungkulin.
Si Arroyo ang nagtaguyod sa plenaryo ng ERC budget nang talakayin at himayin ang House Bill 7727 (General Appropriations Bill for 2021).
Nagpahayag ng suporta si Nueva Ecija 3rd District Rep. Rosanna Vergara sa orihinal na budget (P1.1 bilyon) na hinihingi ng ERC dahil sa mahalagang gampanin nito at sa taglay na quasi-judicial functions.
Ayon kay Vergara, dapat tiyakin ng Kongreso na sapat ang ERC sa kagamitan, manpower, technical capabilities, at ng budget na magbibigay-kakayahan na isagawa at mga tungkulin, integridad, at kahusayan.
Si Vergara ay presidente at chief executive officer (CEO) din ng Cabanatuan Electric Corporation (Celcor) sa Nueva Ecija.
Samantala, sinabi pa ni Arroyo na ang mga reklamo ng consumers na labis ang singil sa gitna ng pandemic, ay dapat na repasuhin ng ERC at dapat magsagawa ng adjustments at refunds, kung kinakailangan.
-Bert de Guzman