Ikinukonsidera na ngayon ng pamunuan ng Quiapo Church ang posibilidad na kanselahin muna ang pagdaraos ng pinakaaabangang Traslacion 2020 o ang pagpu-prusisyon sa imahe ng Itim na Nazareno mula sa Quirino Grandstand, pabalik sa simbahan ng Quiapo, bunsod na rin ng nananatili pa ring banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Father Douglas Badong, ang vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church, ngayon pa lamang ay pinag-aaralan na nila kung paano maidaraos ng ligtas ang kapistahan ng Quiapo na dinadagsa ng milyun-milyong deboto, partikular na ang Traslacion, na itinuturing na isa sa mga pinakamalalaking relihiyosong aktibidad sa bansa.
Paliwanag ni Badong, sa ngayon ay ikinukonsidera na ng procession committee ang ilang mungkahi sa pagdaraos ng Traslacion sa susunod na taon, at kabilang aniya dito ang posibleng kanselasyon ng prusisyon sa Rizal Park na isinasagawa tuwing Enero 9, upang matiyak na masusunod ang mga panuntunan sa physical distancing na ipinaiiral ng pamahalaan.
-Mary Ann Santiago