Para kay Vice President Leni Robredo, hindi malulutas ng bansa ang COVID-19 pandemic kung ang gobyerno ay maghihintay at aasa na lamang sa pagdating ng bakuna galing sa Russia, China at ibang mga bansa na hindi malaman kung kailan matutuklasan.
“Hindi yata sapat na basta may ospital, kama at punerarya, ang kailangan na lang gawin ay maghintay ng vaccine,” ito ang pahayag ni Robredo sa kanyang Facebook page bilang tugon sa mga banat ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang televised address nitong Lunes ng gabi, kinastigo ng Pangulo ang mga kritiko ng kanyang adminisyrasyon at espesyal na binanggit ang Bise Presidente, na aniya ay wala nang ginawa kundi maghanap ng mapupuna sa pamahalaan.
“Now, you might be hearing of critics and ‘yung walang magawa, that we are not doing enough. Ano mang enough ang gusto ninyo? May hospital, may kama, at may punerarya,” banat ni Duterte.
“Alam mo Leni, kung gusto mo, if you really want to do away with the COVID-19, sprayhan natin itong Pilipinas o Manila ng pesticide para patay lahat,” dagdag ng Pangulo.
Ngunit idiniin ni Robredo na hindi sapat na lunas ang pagkakaroon ng mga ospital at kama para gamutin ang mga pasyente at maghintay na lang sa pagdating ng bakuna na ngayon ay may 290,000 ng kaso ng virus sa Pilipinas.
-Bert de Guzman