GAGAMIT ang FIBA ng bubble-type format para sa susunod na dalawang windows ng lahat ng kanilang continental cup qualifiers sa buong mundo.
Ito ang inanunsiyo ng basketball’s world governing body nitong Biyernes.
Kaugnay nito, ang 2021 Asia Cup Qualifiers kung saan kalahok ang Gilas Pilipinas ay ganito rin ang magiging set-up para sa dalawa nilang windows na nakatakda sa darating na Nobyembre at Pebrero ng susunpd na taon.
Ito ang naging rekumendasyon ng Medical Commission at ng Competitions Commission para sa pagpapatuloy ng torneo. Kaya sa halip na home and away, lahat ng mga laro sa dalawang windows ay isasagawa sa bubbles.
Ang mga health authority ng mga magiging punong-abalang mga bansa ay kailangang may kasunduan at dapat na sumunod sa lahat ng FIBA health protocols kabilang na ang PCR testing. Bawat bubble ay kailangan ding may apat hanggang walong teams o kaya’y isa o dalawang qualification groups. Pipiliin naman ang magiging host sa regional level at iaanunsiyo din kaagad. Ang Gilas ay nasa Group A kasama ng South Korea, Thailand at Indonesia, na tinalo nila noong Pebrero 23,100-70 sa natatanging laro pa lamang nila sa Asia Cup Qualifiers.
Hindi natuloy ang laban nila sa Thailand noong Pebrero 18 dahil na rin sa outbreak ng coronavirus. Sa orihinal na schedule, dapat ay kakalabanin ng Gilas ang mga Koreyano sa Nobyembre 27 sa South Korea bago ang Thailand sa Nobyembre 30.Haharapin naman nila muli ang Indonesia dito sa Pilipinas sa Pebrero 18 sunod ang Korea sa Pebrero 21.
Tatlong ACQ games ang na- postponed noong Pebrero dahil sa COVID-19 pandemic at nakatakda pa lamang ito i-reschedule ng FIBA.
Kaugnay nito, kinakailangan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na humingi ng pahintulot sa Joint Administrative Order group for sports para makapagsanay at makapaghanda.
Ngunit, inaasahang magkakaroon ng malaking problema ang Gilas pagdating sa pagpili ng mga maglalaro para sa Asian qualifiers dahil nakatakdang magsagawa ng bubble ang PBA mula sa susunod na buwan hanggang Disyembre para sa hangad na pagpapatuloy at pagtapos sa naudlot na Season 45 Philippine Cup.
-Marivic Awitan