Binalaan kahapon ng Department of Education (DepEd) ang publiko laban sa ilang scam o kaya ay panghihingi ng donasyon at ginagamit ang pangalan ng kanilang ahensiya upang makapanloko.
Sa ipinalabas na mga paalala ng DepEd sa social media, tinukoy nito ang scam na nanghihikayat sa publiko na lumahok sa anumang contest upang mabigyan ng departamento ng libreng laptops at cellphones.
Paglilinaw ng DepEd, hindi mamimigay ng libreng wifi at gadgets ang DepEd sa pamamagitan ng anumang online giveaway, raffle draw o contest.
“PAALALA: Mag-ingat sa mga kumakalat na scam na nanghihikayat sa publiko na sumali sa anumang contest upang mabigyan ng DepEd ng libreng laptops at cellphones. Ang DepEd ay hindi mamimigay ng “free wifi and gadgets” sa pamamagitan ng anumang online giveaway, raffle draw, o contest,” ayon sa ahensya.
Binigyang-diin ng DepEd, ang learning continuity packages na donasyon ng mga local government unit (LGU) at partners nila ay ipinamamahagi lamang sa mga mag-aaral at mga guro sa pamamagitan ng DepEd regional and division offices at mga paaralan.
Kaugnay nito, ipinababatid din ng DepEd na hindi humihingi ang kanilang Central Office o maging ang Office of the Secretary ng anumang donasyong pinansiyal mula sa anumang indibidwal o organisasyon para sa kanilang mga programa.
Pinaalalahanan pa nito ang publiko na kung may nalalaman silang scam at mga katulad na transaksiyon ay kaagad itong isumbong sa [email protected] o di kaya ay sa DepEd Public Assistance And Action Center, sa pamamagitan ng mga mobile number na 0919-456-0027 (Smart) at 0995-921-8461 (Globe) o mag-email sa [email protected].
-Mary Ann Santiago