Nagkaroon ng ilang minutong aberya ang biyahe ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) matapos magkaroon ng problema ang isa sa mga tren nito sa Balintawak Station, sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Sa paabiso ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, nagpatupad sila ng “stop for safety” mula sa Yamaha Monumento hanggang Balintawak, dakong 5:00 ng madaling araw.
Dakong 5:09 naman ng madaling araw nang magpasya ang LRT-1 na limitahan ang operasyon ng kanilang mga tren at sinabing Baclaran to Yamaha Monumento at vice versa lamang muna ang kanilang biyahe at nag-deploy ng engineering team sa Balintawak Station para ayusin ang problema.
Kaagad namang humingi ng paumanhin ang LRMC dahil sa perwisyong naidulot ng aberya sa kanilang mga mananakay.
“UPDATE: As of 5:00 AM, September 18, 2020- A Stop for safety has been put in place from Yamaha Monumento to Balintawak. Technician is working on the fault of affected train located at Balintawak Station. Please allow additional travel time of about 15 minutes,” advisory ng LRMC.
-Mary Ann Santiago