Inaasahang ilalabas na ng Department of Justice (DOJ) sa Nobyembre ang desisyon nito kaugnay ng kinakaharap na kaso ni Senator Koko Pimentel na nag-ugat sa umano’y paglabag nito sa quarantine protocol nitong Marso.
Sinabi ni DOJ Secretary Menardo Guevarra, iniutos na ni Assistant State Prosecutor Wendell Bendoval kay Pimentel at sa complainant na si dating University of Makati law dean Rico Quicho na magsumite ng kanilang komento sa Lunes kaugnay ng karagdagang ebidensyang isinumite ng National Bureau of Investigation (NBI).
“Once we receive these comments then the matter is submitted for decision and the DoJ prosecutors investigating the matter will have at most 60 days to resolve,” ayon kay Guevarra.
Nag-ugat ang kaso nang samahan ng senador ang buntis na misis nito upang magpa-check up sa Makati Medical Center noong Marso 24.
Nanganak ang misis ni Pimentel noong Marso 29.
Dahil dito, binatikos ng nasabing ospital ang senador dahil dapat sana ay naka-self quarantine ito dahil siya ay suspected carrier ng coronavirus disease 2019.
Ilang oras matapos ang insidente ay kinumpirma ni Pimentel na positibo ito sa sakit.
Jeffrey Damicog