Ipinatapon na kahapon sa Amerika si convicted U.S. Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton matapos itong palayain.
Bukod sa pagkaka-deport, bawal na rin pumasok sa Pilipinas si Pemberton matapos itong i-blacklist ng Bureau of Immigration (BI) mula pa nitong Setyembre 16, 2015.
Paliwanag ni BI spokesperson Dana Sandoval Mengote, si Pemberton ay sinundo ng mga sundalo ng U.S. at tauhan ng kanilang embahada, sa kanyang selda sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Kaagad aniyang inihatid si Pemberton sa Ninoy Aquino International Airport at sumakay sa isang American military aircraft patungo sa hindi mabatid na lugar sa Estados Unidos.
“‘Yes po naakalis po siya (Pemberton), successfully deported po via military plane and he left at exactly 9:14 po ng umaga. Sa NAIA po siya dumaan pinakamalapit po sa Terminal 3,” pahayag ni Sandoval.
Matatandaang naging kontrobersyal si Pemberton matapos mahatulang makulong dahil sa pagpaslang sa transgender na si Jennifer Laude noong 2014.
Naiulat na naghain pa si Pemberton ng motion for reconsideration noong Nobyembre 2015 na agad namang ibinasura.
Kamakailan, iniutos ng Olongapo City Regional Trial Court na palayain sa pagkakakulong si Pemberton matapos ikonsiderang natapos na nito ang kanyang sentensiya.
Matatandaang inulan ng protesta ang pagbibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon kay Pemberton na naging dahilan upang agad itong palayain.
-RICHA NORIEGA, BELLA GAMOTEA at JUN RAMIREZ