Arestado ang isang babae matapos umano niyang hindi bayaran ang rebond services na kaniyang in-avail sa isang salon sa Tondo, Maynila noong Sabado, Hunyo 20.
Batay sa ulat na ibinahagi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Linggo, Hunyo 21, aabot sa halagang ₱3,500 ang hindi binayaran ng suspek.
Naganap daw ang insidente nang mag-avail ang suspek ng isang hair treatment service. Nang matapos na siyang serbisyuhan, hindi niya binayaran ang kaniyang salon fee.
Dahil dito, napilitan ang management ng establisyimento na iulat ang suspek sa mall security—na siya namang nagdala sa kaniya sa mga awtoridad.
Bunsod ng hindi niya pagbabayad, humaharap ngayon ang suspek sa kasong Estafa, sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code (RPC).
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek, habang patuloy na ikinakasa ang legal na proseso ng kaniyang kaso.