Inihayag sa publiko ni Sen. Robin Padilla ang kaniyang pagpabor kay Senate President Sherwin “Win” Gatchalian bilang uupong presiding officer sa Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Matatandaan kasing inilahad ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson noong Hunyo 17, 2026, na si Sen. Chiz Escudero daw ang itatalaga nilang presiding officer sa magaganap na impeachment trial dahil abogado raw ang huli.
Ani naman ni Padilla sa panayam sa kaniya ng media nitong Lunes, Hunyo 22, 2026, sinabi niyang si Gatchalian daw ang dapat na tanungin kung sino ang dapat na umupo bilang presiding officer sa impeachment trial.
“Ang dapat nating tanungin ay kung papayag ba si SP Win. Kasi sa Konstitusyon, ang nakalagay doon, ang dapat mag-preside ay ang Senate President,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Siguro napakalaking isyu ‘yan para kay Win para siya ay palitan sa oras na iyon. Ang Konstitusyon.”
Saad ni Padilla, malinaw naman daw na nakasaad sa Konstitusyon na ang Senate President ang dapat na umupong presiding officer sa impeachment trial na isang opisyal na mas mababa sa posisyong ng Pangulo.
“Malinaw ang nasa Konstitusyon na kapag ‘yong Presidente ay ‘yong Chief Justice. Kapag pababa ay ‘yong Senate President,” aniya.
Diin ni Padilla, trabaho raw nilang mga miyembro ng Senate minority bloc na panatilihing pantay sila sa mayorya, lalo na sa usapin kung sino ang dapat na umupong presiding officer sa impeachment trial.
Pagpapatuloy ni Padilla, dapat nga raw na ang mayorya ang nagtutulak kay Gatchalian na umupo bilang presiding officer at nakakabawas ng pagtingin na isiping hindi ang Senate President ang gagampan sa naturang puwesto.
“Dapat. Dapat kasi alam mo baliktad. Dapat ‘yong majority, ini-encourage nila dapat si SP Win. Para sa akin, nade-degrade ‘yong tao, e,” pagtatapos pa niya.
Samantala, wala pa namang inilalabas na reaksyon, tugon, o pahayag ang mga kapuwa senador ni Padilla sa minorya at mayorya kaugnay rito.
Inaasahang pormal na magsimula sa Hulyo 6, 2026, ang impeachment trial ng Senate Impeachment Court laban sa Bise Presidente.
KAUGNAY NA BALITA: Minority, walang imikan simula special session—Sen. Robin