Ibinunyag ni Sen. Robin Padilla na hindi pa raw muling nakakapag-usap ang mga miyembro ng Senate minority bloc magmula nang dumalo ang ilan sa kanilang mga kagrupo sa kinasang Congress special session noong Hunyo 17, 2026.
Matatandaang Hunyo 15, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na magkasa ang Kongreso ng espesyal sa sesyon para sa layuning mabilis na ikonsidera ang pagpapasa ng ilang priority legislative measures na may kinalaman sa social protection at pagpapaganda ng buhay ng mga Pilipino.
Matapos nito, aktuwal na dumalo ang ilang mga miyembro ng minorya o ng paksyon ng Cayetano bloc na sina Sen. Rodante Marcoleta, Sen. Bong Go, Sen. Loren Legarda, Sen. Pia Cayetano, at Sen. Imee Marcos.
Habang hindi naman nakadalo ilan pang miyembro ng minorya na sina Sen. Jinggoy Estrada matapos siyang sumuko sa mga awtoridad kaugnay sa kinasasangkutan niyang kaso sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na nagtatago naman sa mga awtoridad dahil sa inisyung warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nagpatawag ng Congress special session sa Hunyo 17
Sa naging pahayag naman ni Padilla sa panayam sa kaniya ng media nitong Lunes, Hunyo 22, sinabi niyang matagal na raw silang hindi nakakapag-usap ng kaniyang mga kasamahan sa minorya at hindi pa raw nila napag-uusapan ang tungkol sa usapin kung sinong senador ang tatayo bilang presiding officer sa Senate impeachment trial.
“Hindi pa. Matagal na kaming, mga ilang araw na kaming hindi nakakapag-usap ng minority magmula noong pumunta sila noong special session,” pagsisimula niya.
Ani Padilla, malinaw raw na dapat na si Senate President Sherwin “Win” Gatchalian ang tumayong presiding officer sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte dahil iyon daw ang nakasaad sa Konstitusyon.
“Ang dapat nating tanungin ay kung papayag ba si SP Win. Kasi sa Konstitusyon, ang nakalagay doon, ang dapat mag-preside ay ang Senate President,” aniya.
Dagdag pa niya, “Siguro napakalaking isyu ‘yan para kay Win para siya ay palitan sa oras na iyon. Ang Konstitusyon.”
Pagpapatuloy ni Padilla, alinsunod daw kasi sa Konstitusyon, ang Chief Justice umano ng Korte Suprema ang nakatakdang umupong presiding officer kung ang Pangulo raw ang lilitisin, habang ang Senate President naman daw ang magsisilbing presiding officer sa mga mas mabababang opisyal.
“Malinaw ang nasa Konstitusyon na kapag ‘yong Presidente ay ‘yong Chief Justice. Kapag pababa ay ‘yong Senate President,” pagtatapos niya.
Samantala, ngayon ding Martes, isinagawa ang ikalawang araw ng pre-trial conference sa pangunguna ng kampo ni VP Sara at mga miyembro ng House prosecution panel.
Sa Hulyo 6, 2026, naman inaasahang pormal na magsimula ang impeachment trial ng Senate Impeachment Court laban sa Bise Presidente.
KAUGNAY NA BALITA: 'Anong tunay na pakay?' Mike Defensor, nagulat daw sa special session ni PBBM