Hindi pa sapat ang pondong inilaan ng gobyerno sa ilalim ng bagong pirmang Bayanihan to Recover as One law para sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, ayon kay Vice President Leni Robredo.

Ang tinutukoy ni Robredo ang P165.5 bilyong pondong nakalaan sa ilalim ng nasabing batas.

“Ang point natin kulang ‘yung ginagastos natin considering na grabe ‘yung pangangailangan,” pahayag ni Robredo sa programa niya sa radyo.

Maliit aniya ang nabanggit na pondo kumpara sa budget na ginagastos ng ibang mga bansa para sa kanilang paglaban sa COVID-19.

Eleksyon

Mayoral bet, pumalag sa isyu ng driver niyang dinakip dahil sa 'food packs'

Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang batas na nagbibigay ng stimulus package na P140 bilyon sa regular appropriation at ang natitirang P25.5 bilyon bilang standby funds.

Ang nabanggit na pondo ay nakalaan sa ilang programa ng pamahalaan, katulad ng improvement ng health care resources, cash-for-work program, agriculture support, tulong sa mga industriyang tinamaan ng COVID-19 at sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19.

Pinapalawig din ng Bayanihan 2 ang special powers na ibinigay ng Kongreso kay Duterte upang umaksyon kontra sa COVID-19 hangang Disyembre.

Aniya, dapat na gumastos pa ng malaki ang gobyerno batay na rin sa pangangailangan nito.

“Habang sinasabi natin na gumastos pa para mas maraming tao ang matulungan, sana gumastos ng tama. Bilis-bilisan ang paggawa kasi wala tayong luxury ng panahon at oras,” pagdidiin pa ni Robredo.

-RAYMUND ANTONIO