Nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) ang 26 na rehistradong baril na nakapangalan kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, kasunod ang pagbawi sa kaniyang “License to Own and Possess Firearms" (LTOPF) at “firearm registrations.”
Batay sa ulat na ibinahagi ng PNP nitong Martes, Hunyo 23, boluntaryong isinumite ng kaniyang legal representative sa personnel ng PNP Firearms and Explosives Office, Regional Civil Security Unit 4A, at mga lokal na pulisya sa Silang, Cavite ang karagdagang anim na armas noong Lunes, Hunyo 22.
Kasunod ito ng naunang 20 baril na isinuko na rin nila noong Hunyo 11—na bahagi ng revocation order na sumasakop sa kabuuang 117 rehistradong armas sa pangalan ni Sen. Bato.
Ayon pa sa PNP, nakalinya ang naturang rebokasyon sa Republic Act No. 10591—na siyang inisyu ng PNP Firearms and Explosives Office.
Base naman sa pahayag na inilabas ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., isinasagawa nila ang kanilang mga operasyon batay sa propesyonalismo at respeto sa umiiral na batas.
"The Philippine National Police remains committed to carrying out its mandate in accordance with the law and established procedures,” saad ni Nartatez.
“We will continue to perform our duties professionally, fairly, and with respect for the legal rights of everyone involved," giit pa niya.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtatago ni Sen. Bato matapos ang pormal na pag-iisyu ng International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban sa kaniya para sa kasong crimes against humanity.
Kaugnay ito sa umano’y pagiging co-perpetrator ng mambabatas sa madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Bilang dating PNP chief: Palasyo, naniniwalang mas magandang sumuko na si Sen. Bato-Balita