Patay ang isang sundalo nang tambangin ng grupo ng New People’ s Army (NPA) ang tropa nito sa Kalamansig, Sultan Kudarat kamakailan.
Kinilala ni 6th Infantry Division commander Maj. Gen. Diosdado Carreon ang napatay na si Corporal Wilson Caguimbal, nakatalaga sa Alpha Company sa ilalim ng 37th Infantry Battalion.
Sa report, bago ang insidente ay nakatanggap ng impormasyon ang 603rd Brigade kaugnay ng nasusunog umanong heavy equipment sa Sitio Basiawan, Barangay Datu Ito Andong, ng nasabing bayan, nitong Miyerkules ng hapon.
Agad na nagresponde ang tropa ni Caguimbal sa lugar gayunman, pagdating pa lamang sa Sitio Nursery, Bgy. Santa Clara ay tinambangan sila ng aabot sa 10 rebelde kasabay ng pagsabog ng landmine sa gilid ng kalsada.
Dahil dito, nagkaroon ng 30 minutong sagupaan sa pagitan ng dalawang grupo na ikinasawi ng nasabing sundalo.
Sinabi pa ni Carreon, si Caguimbal ay bahagi ng mga sundalong nagbabantay road construction equipment ng pamahalaan sa Lebak-Kalamansig area.
-Fer Taboy