May sapat na trabaho sa bansa, ang problema ay pinabayaan lamang ng Civil Service Commission (CSC) dahil sa pagkabigong sertipikahan ang mga aplikanteng kwalipikado o eligible sa libu-libong trabaho sa gobyerno na napabayaang bakante sa loob ng nakaraang mga taon.
Paliwanag ni Senator Imee Marcos, nasa 269,000 permanteng posisyon sa gobyerno ang bakante hanggang 2019 at halos may 178,000 pa ring bakante hanggang nitong nagdaang Agosto.
“Kung ang puwesto sa gobyerno ay napabayaang bakante, ang hindi nagamit na badyet sa pagkuha o pagha-hire para sa nasabing mga posisyon ay idinideklarang taunang ipon o yearend savings. Ang nasabing mga savings ang ginagamit na pang-bonus na pinaghahati-hatian ng mga opisyal ng ahensya,” ayon sa senador.
Binanggit ni Marcos na kabilang dito ang Php7.6 billion mula sa miscellaneous personal benefits fund (MPBF) sa 2020 budget na nananatiling hindi pa rin nagagamit para kumuha ng bagong tauhan sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno.
Ang away sa loob ng mga taga-gobyerno at kawalang aksyon ng CSC ang lalo pang nagpalalala at nagpaantala sa pagkuha ng mga tao para sa mga bakanteng pwesto sa gobyerno, dagdag pa nito.
-Leonel Abasola