Isasapubliko ng Malacañang ang anumang malubhang karamdaman ni Pangulong Rodrigo Duterte alinsunod na rin sa isinasaad ng Konstitusyon.
Ito ang paniniyak ni Presidential spokesman Harry Roque kasabay ng pagpalag nito sa mga kritiko ng punong ehekutibo at sinabing hintayin na lamang ng mga ito ang 2022 dahil malusog pa rin ang pangulo.
Hindi rin aniya nito maintindihan ang mga tao dahil nais nilang magkasakit ang presidente at wala rin silang ginagawa kundi maghintay.
“Hindi ko po maintindihan, talagang mayroon lang talagang mga nagdadasal at hindi talaga makapaghintay sa 2022. Pero ang masamang balita mag-aantay pa rin sila, atat na atat na sila pero mabibigo sila,” lahad nito.
Naging kontrobersyal na naman ang kalusugan ng pangulo matapos ntong banggitin sa pinakahuling pagsasalita nito sa publiko na pinayuhan siya ng doktor na itigil na ang pag-inom dahil malapit na sa Stage 1 cancer ang kanyang Barrett’s Esophagus.
Wala aniyang dapat ipangamba ng publiko dahil wala namang itinatago ang pangulo kaugnay ng kanyang kalusugan.
“Hindi nga lang po forthright eh, completely transparent naman po ang presidente, siya na nga ang nagsasabi kung ano iyong mga karamdaman niya eh. Wala namang nagtatago, lahat po nanggagaling sa bibig ng Presidente,” pagdidiin ni Roque.
Pagdidiin ni Roque, malusog pa rin ang pangulo kahit 75 years old na ito.
“Mayroong mga usual karamdaman of all 75 year old, pero susundin po ng ating presidente iyong nakasaad sa ating Saligang Batas na kung mayroon siyang seryosong karamdaman ipagbibigay-alam niya sa ating taumbayan,” idinagdag pa ni Roque.
-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS