Isang person under police custody (PUPC) ang napatay nang bugbugin ng kanyang mga kapwa bilanggo na nakaalitan habang nasa loob ng piitan ng Meisic Police Station 11 (PS-11) ng Manila Police District (MPD) sa Binondo, Maynila nitong Miyerkules ng gabi.

Dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si Pascual Magora, 40, at taga- Martinez Building, Dasmariñas, Binondo.

Natukoy na rin ng mga awtoridad ang apat na bilanggo na bumugbog sa biktima na sina Angelo Sy, 28; Joseph Jamindang, 42; Edgardo De Jesus, 48; at Edgar Matadbus, 22.

Sa ulat ni PMSgt. Jansen Rey San Pedro, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nakitang nag-aaway ang biktima at si Sy na nauwi sa suntukan sa loob ng male custodial facility, dakong 7:00 ng gabi.

National

Chinese na may dala umanong ‘spy equipment,’ inaresto ng NBI malapit sa Comelec

Kaagad naman itong naawat ng duty jail officer.

Gayunman, pagsapit ng 10:00 ng gabi ay nakita naman na nakikipag-away ang biktima kina Jamindang at Matadbus at muling nauwi sa bugbugan.

Nang maawat, dito na nagreklamo ang biktima na hindi siya makahinga kaya’t isinugod sa pagamutan kung saan ito binawian ng buhay.

Sa rekord ng pulisya, may ilang araw pa lamang na nakapiit ang biktima matapos na arestuhin nitong Agosto 24 dahil sa paglabag sa Article 287 ng Revised Penal Code (unjust vexation) at Article 155 (RPC) Alarms and Scandal.

Inihahanda na ng pulisya ang kaso laban sa mga suspek.

-Mary Ann Santiago