Ibinunyag ng dalawang whistleblowers ang lahat ng kanilang nalalaman kaugnay ng anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ang inihayag kahapon ng Department of Justice (DOJ) na nagsabing idinitalye ng dalawa ang lahat ng irregularidad sa ahensya kung saan nakikipagsabwatan ang mga opisyal at kawani ng ahensya sa mnga doktor at ospital sa nakalipas na mga taon.
“These schemes include the payment of false or fraudulent claims against the corporation, malversation of premiums, and the exploitation by some unscrupulous personalities of the case rate system and the interim reimbursement mechanism, among others,” pagdidiin ng DOJ.
Ayon sa DOJ, inilahad ng dalawa ang kanilang nalalaman sa anomalya sa isinagawang unang pagdinig ng Task Force PhilHealth nitong Biyernes (Agosto 14).
Gayunman, tumanggi ang DOJ na isapubliko ang pagkakakilanlan ng dalawa para na rin sa kanilang seguridad.
Inihayag ng DOJ, isinalaysay ng dalawa sa task force ang iba’t ibang fraudulent schemes na matagal nang ginagawa ng mga opisyal at kawani ng PhilHealth, sa pakikipagsabwatan sa mga doctors and hospitals, gayundin sa mga bangko na tumatayo bilang remittance centers.”
“The resources persons likewise highlighted abuses and flaws in the corporation’s Legal Department and Information Technology office that allegedly made the proliferation of these schemes possible,” sabi pa ng DOJ.
Matatandaang binuo ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang Task Force PhilHealth ntong Agosto 7 alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil nais nitong maimbestigahan ang ahensya kaugnay ng korapsyon.
Kabilang sa bumubuo ng task force ang DOJ, Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission, the Presidential Anti-Corruption Commission, Office of the Special Assistant to the President, Anti-Money Laundering Council, National Bureau of Investigation at National Prosecution Service.
-JEFFREY G. DAMICOG