Umaarangkada na ang pagsasagawa ng Department of Health (DOH) ng ‘house-to-house polio vaccination’ para sa mga batang nagkaka-edad ng limang taong gulang pababa, sa - CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).
Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, una silang nagsagawa ng pagbabakuna sa Laguna, na sinimulan noong Agosto 3 at nakatakdang magtapos sa Agosto 17.
“Kailangan nating tutukan ang pagbabakuna upang lahat ng mga bata ay mabigyan at maprotektahan laban sa polio. Ito ay maiiwasan sa tamang pagbibigay ng bakuna sa mga batang limang taong gulang pababa upang hindi sila tamaan ng polio na maaari nilang ikamatay,” ani Janairo.
“Nakabuti rin ang pagbabalik natin sa MECQ (modified enhanced community quarantine) dahil lahat ng mga bata at magulang ay nasa kanilang mga bahay. Dahil dito mas mapapadali ang paghahanap sa kanila at pagbibigay ng bakuna ng ating grupo ng mga “Bakuna Doors” sa mga bata,” aniya pa.
Kumuha ang regional office ng karagdagang manpower para magsilbi bilang “Bakuna Doors” at magbigay ng polio vaccine.
Sinabi ni Janairo na ipinasya nilang magsagawa ng house-to-house campaign at hindi na naglagay ng mga vaccination posts para maiwasan ang pagkukumpulan ng mga tao at maiwasan ang paghahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Matatandaang kabilang ang Laguna sa mga lugar na nakapagtala ng polio cases nang muling bumalik sa Pilipinas ang polio o poliomyelitis, na isang nakakabaldadong karamdaman at posible ring makamatay, matapos ang may 19-na taong pagiging polio-free ng bansa.
-Mary Ann Santiago