GENEVA (Reuters) - MAAARING mas mapabilis ang pag-ahon ng ekonomiya ng buong mundo kung magiging bukas ang anumang CoVID-19 vaccine para lahat bilang “public good,” pahayag ni World Health Organization Director General Tedros Adhanom Ghebreyesus kamakailan.

Nabanggit ito ng WHO chief sa isang online panel discussion kasama ang mga miyembro ng Aspen Security Forum sa United States na inorganisa ng NBC network.

“Sharing vaccines or sharing other tools actually helps the world to recover together. The economic recovery can be faster and the damage from COVID-19 could be less,” pahayag ni Tedros.

“Vaccine nationalism is not good, it will not help us,” giit pa niya bilang pagtukoy sa kompetisyong nagaganap sa mga bansa at pharmaceutical researchers na nag-uunahang makalikha ng epektibong bakuna at makakuha ng maraming doses hangga’t maaari.

Internasyonal

Katy Perry, pumunta sa outer space kasama ng iba pang all-female crew

Ayon kay Tedros, bagamat ang coronavirus ang pinakamalaking health emergency na naitala mula noong ika-20 siglo, ang pag-uunahan ng mundo para sa isang bakuna ay ngayon lamang nangyari.

“We must seize this moment to come together in national unity and global solidarity to control COVID-19,”pahayag niya sa forum. “No country will be safe until we are all safe.”

Nang matanong sa mungkahing Russian vaccine, sinabi ni WHO emergencies director Michael Ryan, na kailangan ang trial data upang masiguro na ligtas at epektibo ang anumang bakuna.

Kailangan din, aniyang, maipakita ng awtoridad ang bisa ng coronavirus vaccine sa pamamagitan ng tradisyunal na clinical trial sa halip na “human challenge studies.”

Tinutukoy niya ang international exposure ng nabakunahang mga volunteer sa virus upang makita kung tumatalab nga ang bakuna.

Sinabi kamakailan ni U.S. President Donald Trump na posibleng magkaroon na ng bakuna ang United States bago ang November 3 election—isang mas positibong balita kumpara sa sinasabi ng sariling White House health experts.

Matatandaang inakusahan ni Trump ang WHO ng pagiging “puppet” ng China—kung saan nagmula ang unang outbreak ng coronavirus noong huling bahagi ng nakaraang taon—sa gitna ng pandemya nag-anunsiyo ang US na kakalas ito sa ahensiya makalipas ang isang taon.

Ang United States ang pinakamalaking donor sa WHO at nakapag-ambag ng mahigit $800 milyon noong 2019 para sa 2018-19 biennial funding period.

Gayunman, iginiit ni Tedros, na itinanggi ang pagkiling sa China o anumang bansa, sa panel na ang pangunahing pinsalang dala ng hakbang na pagkalas ng Trump administration ay ang kawalan ng pondo.

“The problem is not about the money, it’s not the financing..., it’s actually the relationship with the U.S. That is more important for the WHO - the void, not the financial. And we hope then U.S. will reconsider its position,” aniya.