Nilinaw sa publiko ng Malacañáng na wala raw magaganap na paghihinto o suspensyon sa ₱85 na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Sa ilalim ng naturang bagong wage order, unang matatanggap ng mga minimum wage earner ang ₱60 dagdag sa kanilang arawang kita, habang ang natitirang ₱25 ay ipatutupad naman sa Enero 2027 bilang ikalawang bugso ng umento.
Batay sa naging pagtitiyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Hulyo 13, 2026, magsisimulang maging epektibo ang unang ₱60 na wage hike sa darating na Hulyo 25, 2026.
Sa naging pahayag naman ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Martes, Hulyo 21, ipinaliwanag niyang hindi raw isususpinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang naturang wage order at magtutuloy-tuloy raw ang implementasyon nito.
“Hindi po. Wala pong suspensyon, walang paghihinto dito. Tuloy-tuloy po ito,” pagsisimula niya.
Ani Castro, wala raw nakakarating sa kanilang kahilingan mula sa mga pribadong sektor at grupo na isuspinde ang wage hike sa NCR.
“Wala pong naipaabot sa ating kung may nag-request mula sa private sector. Pero wala pong utos na ito ay i-suspend,” pagtatapos pa niya.
Tinatayang nasa 1.1 milyong minimum wage earners sa Metro Manila ang makikinabang sa dagdag-sahod sa sandaling ganap itong maipatupad.
Kapag naisakatuparan na ang kabuuang ₱85 wage hike, tataas sa P780 mula sa kasalukuyang ₱695 ang arawang sahod ng mga non-agricultural worker sa NCR. Samantala, aangat naman sa ₱743 mula ₱685 ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa sektor ng agrikultura.
KAUGNAY NA BALITA: First tranche na ₱60 sa NCR wage hike, epektibo na sa Hulyo 15!
KAUGNAY NA BALITA: ₱50 na dagdag-sahod sa NCR, ipapatupad sa Hulyo