Nagpahayag ng pangamba ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa muling pagbabalik -operasyon ng mining companies na matatandaang sinuspinde ni dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez dahil na rin sa kanilang mga paglabag sa Environmental laws ng bansa.

Ipinaliwanag ni San Carlos Bishop Gerardo Alminza, vice-chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace o CBCP-NASSA/Caritas Philippines, hinimok nito ang DENR na ihayag sa sambayanang Filipino ang dahilan ng muling pag-ooperate ng mga mining firm.

Iginiit ng Obispo na dapat magkaroon ng third party group na magpapatunay na sumunod sa patakaraan ang mga kompanyang magbabalik-operasyon at mapanagot ang mga mining firms na nagdudulot ng pinsala sa kalikasan.

“I have serious doubts and how I wish the process is transparent and open for public scrutiny. So mining companies are held accountable for any environmental damages caused by them,” pahayag pa ni Alminaza sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nilinaw naman ni DENR Secretary Roy Cimatu na tanging mga dumaan sa tamang proseso at sumunod sa mga itinakdang hakbang ang pinapayagang magbalik-operasyon.

Kinumpirma rin ni Cimatu nitong Miyerkoles na naglabas na ng rekomendasyon ang audit team ng DENR sa mga hindi tinukoy na kompanyang magbabalik operasyon.

Matatandaang ipinag-utos ng namayapang si Lopez noong Setyembre 2017 ang pagpapasara at suspensiyon ng mining operations ng 26 na kumpanya ng minahan dahil sa paglabag sa environmental standards at Philippine Mining Act of 1995.

-Mary Ann Santiago