Papayagan na simula ngayong araw, Hulyo 10, ang back riding sa mga motorsiklo.
Gayunman, nilinaw ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ito ay para lamang sa mga couple o mag asawa.
“Papayagan na natin ‘yung back-riding para sa mga couple at ‘yung prototype model na ibinigay ni Governor Arthur Yap ay approved na ‘yan… ito ‘yung pinaka-prototype na gagamitin natin,” pahayag ni Año.
“Para sa couple lang muna kasi tumataas ‘yung numero… ‘pag couple, iisang bahay lang ‘ya,” dagdag nito.
Aniya, papayagan lamang ay ang couple na naninirahan sila sa loob ng iisang bahay.
“Whether they are married or common-law husband and wife, boyfriend or girlfriend but they are living in the same household,” saad pa ni Ano.
Gayunman, sinabi nito na dapat ay mayroong barrier sa pagitan ng rider at pasahero maging ang pagsusuot ng face mask at helmet.
“Mayroon siyang barrier in between the rider and passenger pagkatapos mayroon din siyang handle at lalagpas hanggang ulo niya ‘yung barrier para siguradong walang laway na tatalsik,” paliwanag pa ni Ano.
Dapat din aniyang sumunod sa speed limit upang maiwasan ang aksidente.
Dagdag ni Año, ipatutupad ito sa lahat ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ) areas.
Paglilinaw ni Año, hindi kasali ang electronic bikes sa usapin.
Ang mga susuway aniya ay kakasuhan ng paglabag sa Executive Order 1132.
-BETH CAMIA at CHITO CHAVEZ