POSIBLE bang makalikha ng mabuti ang isang nakapamiminsala?
Ang sagot, tulad ng sinasabi sa atin ng kasaysayan, ay oo. Sa nakalipas lumikha ng matinding pinsala ang malalaking krisis ngunit nagbigay rin ito ng oportunidad para sa pagbabago. Halimbawa, dahil sa 1918 Spanish Flu napagtanto ng mga pamahalaan ang kahalagahan ng universally accessible healthcare. Nagbigay-daan naman ang pinansiyal na krisis sa Asya noong 1997 ng mga reporma na hanggang sa ngayo’y nakatutulong sa mga ekonomiya tulad ng Pilipinas na makamit ang malaking paglago at katatagan.
Masyadong maaga pa upang masabi kung anong reporma ang maidudulot ng coronavirus pandemic ngunit malinaw na maraming oportunidad ang binubuksan nito sa larangan ng pagnenegosyo. Nagdulot ng pagkasira sa negosyo sa buong mundo ang pandemya at ang pagpapatupad ng lockdown ng maraming pamahalaan. Una ko nang nabanggit sa mga nakaraan kong kolum kung paano birtuwal na binura ng krisis na ito ang bagong henerasyon ng mga negosyante na nilikha ng paglago ng ekonomiya na pinatatag natin sa maraming nagdaang dekada. Ngunit lumikha rin ang pandemya ng maraming oportunidad para sa mga bagong uri ng innovators.
Ito ay dahil sa katotohanang binago ng pandemya ang pamamaraaan ng ating pamumuhay at kung paano tayo kumikilos. Kung tama ang mga eksperto, tila mananatili pa ang coronavirus sa mahabang panahon at mananatili ang paraang ito ng mga mamimili. Ibig sabihin kailangan umangkop ng mga negosyante sa “new normal”.
Ang mga bagong sitwasyon na ito ay lumilikha ng bagong pangangailangan. Dahil sa virus napilitan ang maraming tao na manatili sa kanilang mga tahanan. Kahit pa niluwagan na ang quarantine rules mula noong Mayo 15, karamihan sa mga tao ay pinipiling hindi muna lumabas. Nagdulot ito ng problema sa mga negosyo na tradisyunal na nakaasa sa mobilidad ng mga tao upang tumaas ang kita.
Ngunit nagbigay naman ang bagong kondisyon ng pagtaas ng mga bagong uri ng online entrepreneurs. May mga negosyong pinalakas ang kanilang mga online store upang sumabay sa sitwasyon. At may mga bagong negosyante rin na nagtitinda at nagre-resell ng iba’t ibang bagay online. Sa laki nga ng naging pag-angat sa online entrepreneurship ay napansin na rin ito ng Bureau of Internal Revenue.
Ngunit ang susi sa tagumpay ay ang hindi makuntento sa kasalukuyang tagumpay na iyong natamo. Ang tanong na kailangang sagutin ng mga bagong negosyante ay ito: paano mo mapananatili ang katatagan nito? Ang iyong negosyo ay hindi lamang isang pansamantalang uso na magpapasabik sa mga tao ngunit kalaunan ay kababagutan din.
Nagugustuhan ko ang katotohanan na karamihan sa mga negosyante ay ginagawa ang kanilang hilig. Maraming tao ngayon na mahilig sa baking na ngayo’y natitinda ng kanilang mga baked goods sa online. May mga pet lovers din, na nauunawaan ang mga pangangailangan ng mga pet owners, na nagtayo ng kanilang online store para sa mga pet care products. Mayroon ding nahihilig sa farming at ngayong nagtitinda ng mga prutas at gulay online.
Isa sa mga paborito kong negosyante, na si Warren Buffet ang minsang nagsabing, “In the world of business, the people who are most successful are those who are doing what they love.” Ang tinutukoy niyang nagtumpay rito ay hindi ang mga malaki ang kinita kundi ang mga napanatili ang tagumpay.
Tandaan na mahalaga na ginagawa mo ang gusto mo ngunit hindi ito sapat. Marami akong nakita na pumasok sa pagnenegosyo na gusto ang kanilang ginagawa ngunit nakalulungkot na nabigo sa kanilang negosyo. Kailangan mong pagyamanin at paunlarin ang galing mo sa pagnenegosyo, humanap ng tamang network na makatutulong sa iyo na maitatag ang iyong negosyo, makalikha ng isang sistema na susuporta at magpapanatili sa negosyong mahal mo.
At ito rin ang aral na gusto kong ibahagi sa mga bagong negosyante. Maaaring naiiba ang sitwasyon ngunit mananatiling iisa ang aral: alamin ang iyong gusto, unawain ang pangangailangan ng tao, tugunan ito at galingan mo.
-Manny Villar