Ni Edwin Rollon
SA gitna ng pandemic COVID-19, hindi rin nagpahuli ang mga local racing stars sa pagharurot para makatulong sa mga kababayan, partikular yaong mga frontliners sa paglaban sa nakahahawang karamdaman.
Inilarga ng Tuason Racing, sa pakikipagtulungan ng Phoenix PULSE, ang makabagong kampanya gamit ang Esports platform upang mapagkaisa ang motorsports community at makapag-ambag ng tulong sa mga frontliners at mga kababayan sa mga barangay sa Metro Manila.
Tinaguriang #RaceForFrontliners, naging kapana-panabik ang karera sa Celebrity Challenge, gayundin sa Final Round ng elite class.
Kabilang sa nakiisa sa Celebrity Challenge sina Troy Montero, Aubrey Miles, Fabio Ide, Phoemela Baranda, Gaby Dela Merced, Jinno Rufino, Ivan Carapiet, at Arianne Bautista, na pawang may kanya-kanyang dalang benepesaryo mula sa mga barangay.
Kabuuang P403,000 ang nakalap na donasyon sa karera.
Dikdikan ang laban nina Carapiet at Montero sa Time Attack Competition, ngunit nakaungos ang una para sa P50,000 worth of Family Mart food packages na kanyang ibibigay sa Barangay Western Bicutan. Lahat ng kalahok sa celebrity event ay may natan ggap na tig-P10,000 worth ng Family Mart goodies para sa kani-kanilang beneficiary communities.
“I am truly happy I got to do what I love while helping people. We have to move forward to evolve. Congratulations to all the competitors and TRS!” pahayag ni Carapiet.
Samantala, nakopo ni Inigo Anton ang premier #RaceForFrontliners championship round, laban kina Russell Cabrera at Corban Guerrero.
“There will always be someone better than you out there and you should make them your inspiration to be better. I learn a lot from them and I believe that experience, hard work, and practice will always make you a better racer,” sambit ni Anton.
Natanggap ni Anton ang bagong racing simulator rig; na may kasamang OMP Full Bucket Seat, Seven Star Garage Sim Rig Frame, Logitech G29 Wheel, LG HD Television unit, OMP Racing Suit, at OMP Helmet na may kabuuang halaga na P150, 000.
Itinataguyod din ang Tuason Racing – Phoenix PULSE Young Drivers ESports Program: Race For Frontliners ng Phoenix Pulse Petroleum Philippines, sa pakikipagtulungan ng LG OLED TV, PC Express, FamilyMart, OMP, Toplift, AAP, GT Philippines, SRPH, Ribbon Arc, and Seven Star Garage with media partners, AutoCar, AutoDeal, C! Magazine, Inquirer, Time Attack Manila, at WheelsPH.