NAKABANGON ang Arellano University mula sa dalawang sunod na pagkabigo matapos pataubin ang Colegio de San Juan de Letran, 25-22, 25-12, 25-17 kahapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 Volleyball Tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Nagtala ng game-high 17 puntos si Jesrael Liberato mula sa 14 attacks at 3 blocks upang pangunahan ang nasabing panalo ng Chiefs.
Bunga ng tagumpay, umangat sa solong ikalawang puwesto ang Arellano sa markang 5-2, panalo-talo habang isinadlak naman nila ang Letran sa ikalima nitong talo kontra isang panalo kapantay ng San Sebastian.
Hindi pinaporma ng Chiefs ang Knights sa net sa kanilang solidong depensa na pinatunayan ng kanilang ipinosteng 14 blocks kumpara sa apat ng huli.
Bukod dito, na outhit din nila ang kalaban sa itinala nilang 38 hits kumpara sa 25 lamang nito.
Tanging sa reception lamang nakaungos ang Knights na nakapagtala ng 28 excellent receptions sa pamumuno nina Brylle Novo at Christopher Cistina kumpara sa 16 lamang ng Chiefs.
-Marivic Awitan