MABIGAT kalaban ang Meralco Bolts at hindi lamang si import Allen Durham ang dapat bantayan ng Barangay Ginebra kung nais ng Kings na mangibabaw sa PBA Governor’s Cup best-of-seven Finals.
Ayon kay Kings ve¬teran point guard LA Tenorio, walang patapon sa Bolts at bawat isa ay may kakayahang magsagawa ng scoring run.
“X-factor sa kabila? Iyong players behind the import, Allen. We just have to be ready sa lahat ng mga players. It can be a surprise,” pahayag ni Tenorio sa pre-Finals conference. “This is a championship, we cannot take anything for granted.”
Nakatakda ang Game One sa Martes sa Smart Araneta Coliseum.
Dalawang beses pinatumba ng Ginebra ang Meralco sa kanilang dalawang sunod na pagtutuos para sa korona ng PBA Governor’s Cup.
Nangyari ito noong 2016 at 2017 kung saan nagtagisan ng husay sina resident import Justin Brownlee at Durham, ang two-time PBA Best Import awardee.
Saglit na naawat ang bakbakan ng dalawang koponan nang maghari ang Magnolia Hotshots sa likod ni reinforcement Romeo Travis, ang kababata at high school teammate ni Los Angeles Lakers superstar LeBron James, noong 2018.
Kumpiyansa si two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone na mu¬ling susuportahan ng mga fans ang mga Gin Kings sa pagsagupa sa Bolts.
“If there’s an edge we have, it’s always the Ginebra crowd. They push us to greater heights everytime,” sabi ng 62-anyos na si Cone na pumasok sa PBA noong 1989 kung saan iginiya naman ni Norman Black ang San Miguel sa PBA Grand Slam.
Sa kanilang ‘trilogy’ ay hangad ng 62-anyos na si Black na maibigay sa Meralco ang kauna-una¬han nitong PBA championship.
Bukod kay Durham, aasahan din ni Black sina Chris Newsome, Cliff Hod¬ge, Baser Amer at mga baguhang sina Raymod Almazan, Allein Maliksi at rookie Bong Quinto.
Puntirya ni Cone ang kanyang pang-22 korona bilang head coach habang ang ika-12 naman ang target ni Black.