TUMANGGAP ang lokal na pamahalaan ng Marikina ng Seal of Excellence in Governance mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa matagumpay na obstruction-free status ng mga kalsada at bangkete sa lungsod.

Personal na iginawad ni Interior Secretary Eduardo Año kay Mayor Marcelino Teodoro ang pormal na paglulunsad ng “Disiplina Muna” campaign at ang Safe Philippines Project sa Marikina Hotel and Convention Center, kamakailan.

Sa kanyang talumpati, pinuri ni Año ang lungsdod habang inaalala nito kung paano ito nagbago bilang isang maayos at modelong siyudad.

“I witnessed the evolution of Marikina during 1960s, 1970s until now. As you can see the city of Marikina we call it model city in our country. Sa katunayan dito mismo sa Marikina, masaya akong ibahagi na nangunguna kayo sa pagtataguyod ng maayos at maluwag na lansangan,” pagbabahagi ni Año.

Dagdag pa niya, nagsisilbi ring modelo ang lungsod sa iba pang mga lungsod at munisipalidad para sa patuloy nitong pagpapatupad ng road-clearing at tuloy-tuloy na pag-iimplementa ng mga ordinansa, gayundin ang pagtuturo ng kultura ng disiplina sa mga residente nito.

“Gusto kong bigyan ng commendation ang Marikina, sapagkat bago pa man magsimula ang ating road clearing operations nangunguna na ang Marikina sapagkat nagsimula na sila noon pa man,” papuri ni Año.

Kabilang sa mga aksiyong ipinatutupad ng lungsod upang mapanatili nang obstruction-free throughfares, ay ang “No garage, No Building Permit Ordinance of 2019” na nagtatakda sa mga may-ari ng negosyo na magkaroon ng proof-of-parking space bago makakuha ng permit mula sa lokal na pamahalaan.

Nagbigay rin ng mandato ang siyudad para sa pagtatanggal ng mga gate sa mga subdibisyon upang magbigay ng alternatibong ruta sa mga motorista.

“Consistent and fair implementation of these ordinances is key,” ani Teodoro.

Aniya, ang utos ni Pangulong Duterte na muling kunin ang mga kalsada at bangketa na nagagamit para sa personal na kapakinabangan, ay tamang hakbang lalo’t pag-aari naman ito ng publiko.

“This is our contribution to national development that we can boldly and proudly say that Marikina’s main roads and thoroughfares are hassle-and hazard-free. The most challenging part, however, is sustaining the sidewalks and roads, making sure that they are always clean and walkable,” ani Teodoro.

Dahil sa katangi-tanging pagsisikap ng lungsod, kabilang na si Teodoro sa listahan ng mga ambassador para sa “Disiplina Muna” campaign.

Ang “Disiplina Muna” campaign ng DILG, ay may layong buhayin at isulong ang kultura ng disiplina bilang tulay sa tunay na pagbabago.

Layon nitong buhayin at itaas ang kultura ng disiplina at isabuhay ang tunay na konsepto ng pamamahala kung saan ang mga mamamayan ay hinihikayat na tumulong upang makamit ang pambansang pag-unlad.

Sinabi naman ni DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya, na nais ng kampanya na makamit ang napagtagumpayan ng Marikina, na ikinokonsiderang “gold standard”.

“Tuwing ini-interview kami ni Secretary Año lagi naming sinasabi na ang Marikina ang gold standard sa Disiplina Muna campaign ng pamahalaan. What Marikina City aspired to be is what Disiplina Muna program wants to achieve,”aniya.

Ayon pa sa alkalde, ikinikintal nila sa isip ng mga residente na ang kalinisan at kaayusan ay dapat laging nakikita para sa benepisyo ng bawat isa. Ang Marikina ang unang siyudad sa Metro Manila na tumugon sa direktiba ng DILG upang linisin ang lahat ng mga harang sa mga kalsada bago ang itinakdang 60 araw na palugit.

Natanggap ng lungsod ang pinakamataas na iskor sa “high-compliance” para sa mga road clearing operations, at sa pagpapanatili na malinis sa mga harang ang lahat ng mga lansangan sa siyudad.

PNA