TAGUMPAY ang mga nurses ng bansa sa mga pampublikong ospital makaraan ang desisyon ng Korte Suprema nitong Oktubre 8, na nagsasabing karapat-dapat sila sa buwanang sahod na hindi bababa sa P30,000 sa ilalim ng Republic Act 9173, ang Philippine Nursing Act na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria M. Arroyo noong 2002. Ngunit kinakailangan pang pagtibayin ng Kongreso ang pondo na kinakailangan upang maimplementa ang batas.

Ang mga nurses ng gobyerno ay kabilang sa maraming manggagawa ng pamahalaan na matagal nang humihingi ng umento sa sahod. Ayon sa pambansang samahan ng mga nurses, ang Filipino Nurses United (FNU), kabilang sila sa ‘most overworked government workers,’ kung saan inaayudahan ng bawat isang nurse ang nasa 40 pasyente sa ilang ospital, gayung ang tamang ratio lamang ay 1:12. Umaabot lamang ang kasalukuyang natatanggap nilang suweldo sa P18,000 hanggang P21,000 kada buwan. Ngunit mas mababa pa sa mga pribadong ospital—na nasa P8,000 hanggang P12,000 lamang ang kita.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit maraming Pilipinong nurses ang naghahangad na makapag-abroad. Kung ikukumpara, ang karaniwang buwanang suweldo ng mga nurse sa United States ay katumbas ito ng P200,000.

Sa mga nakalipas na taon, ang kitang tinatanggap ng mga nurses ay nakabase sa RA 9173 dahil inaprubahan ng Kongreso noong 2009 ang isang Joint Resolution No. 4 na nagpapahintulot sa pangulo na baguhin ang pasahod at sistema ng klasipikasyon ng posisyon ng mga empleyado ng pamahalaan. Dahil dito naglabas ni Pangulong Arroyo ng Executive Order 811 na nagtatakda ng salary grades para sa lahat ng kawani ng gobyerno kung saan nakatakda ang para sa mga nurses ng pamahalaan sa Grade 11—o P20,754 kada buwan.

Nitong nakaraang linggo. Nagdesisyon na ang Korte Suprema, bilang tugon sa petisyong inihain ng Ang Nars partylist, na hindi na maaaring mabago ng isang Congress joint resolution at presidential executive order ang isang batas.

Sa gitna ng naging desisyon ng korte, nanawagan si Anak Kalusugan partylist Rep. Michael Defensor sa Kongreso na ipasa na ngayon ang isang joint resolution na magpapatibay sa dagdag-sahod ng mga nurses. Binigyang-diin niya na sa ganitong paraan din natamasa ng mga sundalo at pulis ng bansa ang pag-doble ng sahod noong 2017 ng Kongreso na itinulak ng bagong halal noon na si Pangulong Duterte.

Bilang tugon sa sinasabing hindi magawang maitaas ng pamahalaan ang suweldo sa gobyerno dahil sa kawalan ng pondo, sinabi ni FNU President Eleanor Velasco na hindi pondo ang kulang sa pamahalaan kundi ang “political will.” Binigyang-diin niya na noong nais ng Pangulo na maitaas ang suweldo ng mga pulis, mayroon namang pondo na nailaan. “They have the money if they want to, but they have a thousand reasons if they don’t want to.”

Ngayong nagdesisyon na ang Korte Suprema hinggil sa dapat na sahod ng mga nurses, tila hindi naman magandang tingnan kung si Pangulong Duterte, na ibinuhos ang lahat para agad mapagtibay ang pagdoble ng sahod ng mga sundalo at pulis, ay patuloy na iaasa na lamang ang problema sa Kongreso. Binibigyan lamang niya ng katotohanan ang iginigiit ng ilan na kulang siya sa political will para sa mga nurses makaraan ang ibinigay niyang aksiyon para sa mga unipormadong kawani ng pamahalaan.

At hindi rin natin dapat kalimutan ang problema para sa mga guro—isang mas malaking suliranin dahil mas marami ang bilang nila kumpara sa mga pulis at nurses. Maaaring walang desisyon ang Korte Suprema para sa kanila, ngunit marahil higit sa kanino mang grupo para sa serbisyong pampubliko, karapat-dapat sila na mabigyan ng mas maaayos na suweldo kumpara sa natatanggap nila ngayon.