INTRIGUING na nakakapangilabot ang trailer ng Hellcome Home, bagong horror movie ng Star Cinema na slated for October 30 playdate, pero mas tinatawag itong supernatural thriller ng production unit na pinamumunuan ni Enrico Santos.
Nahikayat kami sa paanyayang panoorin sa special preview sa pelikula dahil sa kakaiba nitong approach.
Isa sa mga genre na pinakamahirap gawin ang horror o supernatural thriller pero kapag effective naman at may mga bagong elemento ang direktor, tumatabo. Sa trailer pa lang, promising na ang Hellcome Home.
Bago nag-umpisa ang screening, nakilala namin ang direktor ng pelikula na si Bobby Bonifacio na tila harmless, pero kabaligtaran ang trabaho niya. Itinodo niya ang mga bayolenteng patayan.
Bloodbath kung bloodbath. Isa na ang pelikulang ito sa mga pinakabrutal na pelikulang Pinoy na napanood namin, mantaking ang pinakainosente pang karakter ang napugutan ng ulo sa climax ng istorya!
Tungkol sa bahay na bagong bili ng pamilya nina Marcy at Peter Villareal na ginagampanan nina Alyssa Muhlach at Dennis Trillo ang Hellcome Home.
Malayo sa mga kabahayan at nasa ilang ang bago nilang property na ayon sa mga lokal ay may malagim na kasaysayan.
May nangyari sa buong pamilya na unang tumira sa bahay at pinangangambahan ng mga lokal na baka sa ganito rin humantong ang mga bagong nakatira.
Kauuwi ni Peter mula sa pagtatrabaho sa Guam nang dalhin niya sa bahay ang pamilya. Kontra ang ina ni Marcy sa desisyon ng magpapamilya kaya panay ang yaya nito na sumama na lang para makitira uli sa kanya.
Maalaga at obedient kay Peter at dalawang anak nila si Marcy kaya pumirmi silang magkakasama, sa kabila ng mga nangyayaring kakaiba sa unang araw pa lang at paulit-ulit na paglitaw sa kanilang tapat ng mga magsasaka na tila kulto.
Paparating pa lamang sila, may kambing nang pinutulan ng ulo ang mga magsasaka na tila ba sakripisyo upang huwag silang gambalain ng kung anumang kinatatakutan nila.
Mahahayag sa pag-usad ng kuwento na may malaking problema pala sa pera si Peter. Magiging kumplikado ang lahat dahil sa hindi maipaliwanag na paglobo maging ng pinakamaliliit na gusot ng pamilya.Mabubunyag kalaunan na hindi lang pala sila ang nakatira sa bahay dahil nananahan pa rin dito ang dating pamilya na naging malagim ang sinapit.
Hanggang dito na lang ang puwede kong rebyuhin dahil magiging spoiler na kami kung idedetalye namin ang iba pang mga rebelasyon.Ginagampanan nina Beauty Gonzales at Raymond Bagatsing ang unang mag-asawang tumira sa bahay.
May sigalot sila sa pagsasama na humantong sa malagim na wakas.Well written ang script at pinag-isipang mabuti ang pagkakatahi-tahi sa mga detalye ng kuwento ng Hellcome Home.
Maging ang surface ng kuwento, tiyak na magugustuhan ng horror buffs. Pero may mas malalalim na isyu na maaaring talakayin o pagdiskusyunan ng sociologists, theologians o philosophers sa pelikulang ito.
Bakit nga ba ang inaasahan pang magmamahal at magbibigay ng proteksiyon sa pamilya ang naging killer?
Ganito rin sa mas malawak na mundo sa labas ng tahanan, bakit nga ba ang inaasahang protector pa ang nagiging tormentor?
Matagal na kikintal sa isip ng mga manonood ang istorya ng pelikula. Pero may isang insight kaming nabuo ilang oras pagkatapos namin itong mapanood: alin man sa dalawang pamilya sa pelikula ay hindi marunong magdasal o hindi man lamang nagtungo sa simbahan.
Rekomendado namin sa lahat na may matured nang pag-iisip ang Hellcome Home.
-DINDO M. BALARES