INAMIN ng actress na si Sheryl Cruz na tinanggihan niya nang unang in-offer sa kanya ang role ni Veron Santos sa GMA Afternoon Prime na Magkaagaw.

Sheryl Cruz Magkaagaw

“Pero ni-reconsider ko dahil napakaganda ng role at very challenging,” sabi ni Sheryl sa mediacon. “Daring po ang role at papasok ako sa May-December affair na makikipagrelasyon sa isang younger guy na may asawa, na first time ko ring makakatrabaho si Jeric Gonzales. Bago ko naman tuluyang tinanggap ang serye, kinausap ko muna ang 18-year-old daughter ko si Ashley na nag-aaral ngayon sa San Francisco, California, kasama niya ang daddy niya.

“Isinabay ko na rin ito sa pagsasabi ko kay Ashley na kinuha akong maging cover ng AO na may pagka-sexy, my first ever sexy pictorial. Natuwa pa ang anak ko dahil I have the body daw naman, so I should flaunt it.

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

“Kaya hindi rin naman ako tumanggi sa paggawa ng sexy scenes namin ni Jeric sa story. Alam kong may asawa si Jeric as Jio pero ginawa ko iyon bilang paghihiganti ko kay Laura (Sunshine Dizon), nanay ng asawa niyang si Clarisse, played by Klea Pineda. Mortal enemy ko si Laura na inagaw ang asawa ko (played by Alfred Vargas) kaya inisip kong gumanti sa pamamagitan ng kanyang anak.

“Hindi na rin ako nagpaka-ipokrita na tanggapin ang role dahil bilang isang artista, kapag tinanggap mo ang role na ibinigay sa iyo, dapat gampanan mo ito nang tama. Nagkaroon naman kami ng sensuality workshop ni Jeric, pero level 1 lamang ito dahil hindi naman erotic movie ang ginagawa namin, at mapapanood ito sa hapon kaya iyong pwede lamang payagan ng MTRCB ang dapat naming gawin.”

Tawa nang tawa si Sheryl sa kuwento niyang after ng love scene niya with serye, maraming bading sa set na willing daw silang mag-double sa kanya sa eksena with Jeric.

Masaya rin si Sheryl na reunion serye nila ni Sunshine ang “Magkaagaw” dahil una silang nagsama nito sa Bakekang noong 2006 at Straberry Lane noong 2014. After five years saka lamang sila muling nagkasama.

Sa October 21 na ang world premiere ng “Magkaagaw” na dinidirek ni Gil Tejada, Jr. at mapapanood from Mondays to Saturdays sa GMA 7, after ng Eat Bulaga.

-NORA V. CALDERON