SINUPORTAHAN ng ilang taga-Eat Bulaga people ang pelikulang Isa Pa with Feelings nina Carlo Aquino at Maine Mendoza sa ginanap na black carpet premiere nitong Martes sa SM Megamall Cinema 1.
Nakita namin sina Vic Sotto at asawang si Pauleen Luna, Ruby Rodriguez kasama ang anak na si Toni, si Baby Baste, si Ciara Sotto kasama ang kanyang boyfriend, mag-asawang Oyo Boy Sotto at Kristine Hermosa, Benjie Paras, Nikki Valdez, Cris Villanueva, Rafa Sigueon Reyna at iba pa, naroon siyempre ang APT producer na si Mr. Tony Tuviera at ilang executives niya.
Dumalo rin ang buong pamilya ni Maine at ilang kaanak at lahat sila ay nakangiting lumabas ng sinehan pagkatapos mapanood ang kabuuan ng pelikula, kasi naman proud sila sa dalaga dahil nakita ang other side ng aktres bukod sa pagiging komedyana.
Forte kasi ni Maine ang comedy, pero sa Isa Pa with Feeling ay marami siyang napaluha, huh! Kaya puwede ng tawaging aktres ang dalaga at matigas ang puso mo kung hindi ka nadala sa eksenang nagkasagutan sina Mara (Maine) at Gali (Carlo) na kinahantungan ay ang paghihiwalay nila.
Hindi kami magtataka kung ma-nominate si Maine sa kategoryang Best Actress at siyempre, Best Actor naman si Carlo sa 2020.
Deaf si Carlo at normal naman ang pandinig at pananalita ni Maine na nagkagustuhan. Inakala ng binata na kaya siya sinasamahan ng dalaga ay dahil depressed ito dahil hindi pumasa sa board exam for Architecture.
Kaya ito ang naging takot ni Gali na kapag nahulog ang loob niya kay Mara ay matulad sa una niyang girlfriend na iniwan siya dahil napagod sa kakaintindi sa kanya dahil normal ang pandinig at pananalita nito, si Anika (Arci Muñoz).
Ito ang sinumbat ni Gali kay Mara bagay na ikinasama ng loob ng huli dahil bakit hinusgahan na siya kaagad. Bakit hindi nito muna hinayaang ipadama kung ano ang tunay nitong nararamdaman.
Mas magandang panoorin ang pelikula na kasalukuyang palabas ngayon nationwide handog ng Black Sheep Entertainment at APT Productions mula sa direksyon ni Prime Cruz.
-REGGEE BONOAOAN