SIARGAO ISLAND, Surigao del Norte – Tanging si John Mark Tokong ang nalalabing local surfer na nakasikwat ng pagkakataon sa podium nang makalusot tungo sa Round of 16 ng 25th Siargao International Surfing Cup nitong Lunes sa pamosong Cloud 9 dito.
Ratsada ang 23-anyos na si Tokong, anak ng local na mangingisda mula sa General Luna, sa gitna nang pagbubunyi ng mga kababayan para pumangala kay Indonesian Oney Anwar sa Heat 7.
“Enjoy lang po tayo,” pahayag ni Tokong, kumabig ng 13.10 puntos kumpara sa nakuhang 13.30 ni Anwar.
Nauna rito, nabigo si Jay-r Esquivel ng Urbiztondo, Pangasinan, kasangga ni Tokong sa Philippine team na sasabak sa 30th Southeast Asian Games sa Disyembre, sa kanyang heat race na pinagwagihan ni South African’s Koby Oberholzer (15.25). Pangalawa si Jose Gundesen ng Argentina na may 13.10 puntos. Nakakuha si Esquivel ng 11.75.
Batay sa tournament rules, ang dalawang mangungunang players sa bawat hesat ay uusad sa susunod na round sa premyadong torneo na itinataguyod ng Globe Telecom at Sprite , sa pakikipagtulungan nina Representative Bingo Matugas, General Luna Mayor Yayang Rusillon at provincial government sa pamumuno ni Surigao del Norte Governor Francisco ``Lalo’’ Matugas.
Kinikila ang torneo ng World Surf League at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez.
Patuloy ang pamamayagpag ni top favorite Skip McCullough ng United States matapos pagbidahan ang Heat 5 laban kay Tomas King. Tumapos na pang-apat sa naturang heat ang local bet na si Christian Araquil.
Umusad naman sina Australians Cooper Davies at Thomas Cervi mula sa Heat 8, gayundin sina Argentina’s Santiago Muniz, Japan’s Jin Suzuki, Australians Callum Robson and Samson Coulter, New Zealand’s Elliot Paerate-Reed at Hawaii’s Noah Beschen.