Ang bente anyos na si Elaine Duran ng Butuan City, Agusan del Norte ang nagwagi bilang ikatlong grand champion ng Tawag ng Tanghalan sa grand finals ng pinakamalaking singing competition sa bansa sa It’s Showtime nitong Sabado, Setyembre 28.

Gary,Ellaine, at Rey TNT Final 3

Sinelyuhan ni Elaine ang panalo niya sa huling round kung saan inawit niya ang isang medley ng mga kanta ni Basil Valdez na Saan Ka Man Naroroon, Sana ay Ikaw na Nga, at Ngayon and Kailanman. Dahil dito, siya ang nakakuha ng pinakamataas na combined average score na 41.18% mula sa madlang people votes at hurado scores.

Pinadagungdong naman ni Elaine ang buong Caloocan Sports Complex at ang online world nang mag-rap at awitin niya ang kakaibang bersyon niya ng hit song ni Shanti Dope na Nadarang sa unang round.

Relasyon at Hiwalayan

Chloe punumpuno ang puso dahil kay Carlos, inurirat kung kailan papakasal

Bilang ang pinakabagong Tawag ng Tanghalan grand champion, nag-uwi si Elaine ng family vacation package, custom in-ear monitors, isang business franchise, talent management contract sa ABS-CBN, recording contract sa TNT Records, isang bagong house and lot, at P2 milyon.

Bago pa man ang grand finals, gumawa na ng kasaysayan sa Elaine sa noontime singing competition nang tanghalin siyang kauna-unahang “TNT record holder,” isang contestant na naging defending champion sa sampung sunod-sunod na araw.

Tinalo ni Elaine ang iba pang grand finalists, ang second placer na si John Mark Saga na nagwagi ng P500,000, at si John Michael Dela Cerna, na pumangatlo at nakakuha ng P300,000. Panalo naman ng tig-P100,000 ang iba pang grand finalists na sina Kim Nemenzo, Shaina Mae Allaga, at Jonas Oñate.

Marami ang nag-abang at tumutok sa pagluluklok sa bagong grand champion ng Tawag ng Tanghalan dahil nanguna sa listahan ng trending topics sa Twitter sa buong mundo ang official hashtag ng grand finals na #TNT3AngHulingTapatan. Napabilang din sa trending topics sina Elaine, John Mark, John Michael, ang Nadarang, ang bandang December Avenue, Kim, Shaina, at iba pa.

Matapos ang “himig-sikan” sa Tawag ng Tanghalan, nakatakda namang magdiwang ang It’s Showtime ng ikasampung anibersaryo nito sa telebisyon at naghahanda na ng mga sorpresa sa madlang people sa pinakamalaking selebrasyon ng numero unong noontime show simula ngayong Oktubre.

Subaybayan ang pangmalakasang pasiklaban sa kantahan sa huling tapatan ng Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime mula Lunes hanggang Sabado (Setyembre 23-28) sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (Sky Cable ch 167). Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Twitter, Instagram, at Facebook at bisitahin ang abscbnpr.com. Para naman mapanood ang episodes ng programa, mag-download ng iWant app (iOs at Andoid) o mag-register sa iwant.ph.

-Mercy Lejarde