KINUMPIRMA ng Department of Health (DoH) na muling sumulpot ang sakit na polio sa bansa matapos ang may 19 taon na polio-free ang Pilipinas. Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, nagdeklara sila ng polio outbreak matapos magkaroon ng isang kaso ng sakit sa Lanao del Sur.
Sinabi ng Kalihim na isang tatlong-taong gulang na batang babae ang tinamaan ng polio. Isa pang kaso ng polio ang kasalukuyang kinukumpirma habang sinusulat ko ito. Batay sa environmental samples mula sa tubig ng kanal sa Tondo, Maynila at daluyan ng tubig sa Davao City, napatunayang positibo ang mga ito sa poliovirus.
Pahayag ni Duque: “A single confirmed case of vaccine-derived poliovirus 2 (VDPV2) or two positive environmental samples that are genetically linked in different locations is considered an epidemic in a polio-free country.” Nakahahawa pala itong polio. Dapat na maging malinis, iwasan ang maruruming kanal at waterways na kontaminado ng virus. Maghugas ng mga kamay, payo ni Duque.
Sinabi ni Ferchito Avelino, director ng DoH Epidemiology Bureau, ang batang tinamaan ng polio sa Lanao del Sur ay hindi nabakunahan ng polio. “Mabuti naman ang kanyang kalagayan, pero siya ay may residual paralysis,” ani Avelino. Umapela si Duque sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa polio upang mapigilan ang outbreak at hindi maging paralisado ang mga bata.
oOo
May 1,665 preso na nakalaya sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang nagsisuko sa mga awtoridad noong Huwebes, Setyembre 19, ang deadline na ibinigay ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Sinabi ni Justice Usec. Markk Perete, na sumuko ang 1,665 bilanggo sa pulisya at sa Bureau of Corrections (BuCor). Dahil dito, mahigit sa 200 ang hindi sumunod sa utos ni PRRD na sumuko kung kaya sila ay ituturing na mga pugante.
Nagsisiyasat ang Kamara tungkol sa umano’y rice cartel at smuggling ng bigas. Naghain ng isang resolusyon ang Party-list na Magsasaka para mag-imbestiga ang Mababang Kapulungan tungkol sa rice cartel na kumukontrol sa pagbili, importasyon at pagbebenta ng bigas sa buong bansa.
Hiniling naman ng Makabayan bloc na magpasa ng supplemental budget na P15 bilyon upang matulungan ang mga magsasaka na apektado ng mababang presyo ng palay. Sinisisi ng mga magsasaka ang Rice Tariffication Law (RTL) na dahilan ng pagbaba ng presyo ng palay bawat kilo.
Sa P4.1 trilyong pambansang budget para sa 2020, nakapalaman doon ang pagkakaloob ng tig-P100 milyon bawat kongresista. Mahigit 300 ang kasapi ng Kamara. Kung tututusin, magkano ang tatanggapin ng mga Kinatawan? Ang mga senador naman ay bibigyan ng tig-P200 milyon kada taon. Magkano ito?
Sana ay hindi pork barrel (PDAF) ang P100 milyon ng kongresista at ang P200 milyon ng senador. Naghihirap ang mga magsasaka. Apektado ang kabuhayan ng mga magbababoy. Sana naman ay bigyang-pansin ng mga mambabatas ang kabutihan, kapakanan at kagalingan ng mahigit 100 milyon Pinoy na labis na naghihirap ngayon!
-Bert de Guzman