NAGDURUGO ang puso ko habang binabasa ang komento ng mga kababayan natin sa nag-viral na video sa social media ng isang pahinante ng delivery truck ng sikat na loaf bread na Gardenia, habang umuumit ng paisa-isang slice ng tasty sa bawat supot na binubuksan nito, at pagkatapos ay isinasarang muli bago ibalik sa pinagkuhanan na plastic container.
Sa libu-libo na agad nag-like, share at nag-komento sa may isang minuto na video na ini-upload sa Facebook nito lamang Biyernes ng umaga, kapansin-pansin na karamihan sa reaksiyon ng mga ito ay nakasentro sa pang-uuyam sa pahinanteng nang-umit ng tinapay. Dapat daw sibakin agad para huwag pamarisan.
Kasama rito ang reaksiyon na pagkadismaya sa kumpaniyang Gardenia Bakeries Inc., na anila’y may kapabayaan at isinapeligro ang kalusugan nila na tumatangkilik sa masarap na tasty loaf bread.
Ang banta ng karamihan, ibang brand na lamang daw ang kanilang tatangkilikin dahil natatakot ang mga ito na baka napasok na ng germs ang mga nabuksang loaf bread at magdulot pa ng sakit sa kanilang pamilya.
Nadismaya talaga ako sa karamihan nang nabasa kong komento.
Ngunit ang hinahanap kong komento na nagpapalubag sa saloobin ko ng mga oras na iyon, ay una kong nabasa mula sa LODI kong musikero na si Alvin Santoyo, na ilang ulit ko na rin na naka-jamming sa pagtugtog ko ng aking harmonica o sulindro, tuwing may gig ang kanyang grupo sa Yarda Food Court sa loob ng Kingspoint Subdivision sa Bagbag, Novaliches, Quezon City na ‘di kalayuan sa aking bahay.
Ani Alvin sa kanyang Facebook account: “Siguro kung sapat ang sahod ng mga pahinante, hindi sila makakaisip na maitawid ang gutom, kahit makakain na lang ng expired na tinapay. Oo nga at masama ang nagawa, nagkasala at nararapat talagang parusahan, pero ‘di mismong pera ang ninakaw kundi piraso ng tinapay na pagkain. Kung balanse lang sana ang pagod ng mga tao sa kanilang kinikita, kung makatarungan lang sana ang sahod ng manggagawang pagud na pagod na rin.”
Ang tawag ko rito ay makataong “damdaming Pinoy” na dala-dala ng mga kababayan natin saan mang lupalop sa buong mundo magpunta. Sa ugali na ito kinilala, hinangaan at iginalang sa ibang bansa ang mga kababayan nating Overseas Filipino Worker (OFW).
Natakot marahil sa banta ng mga tumatangkilik sa masarap na produkto ng Gardenia Bakeries Inc – na para naman sa akin ay pumapangalawa lamang sa mga tinapay na hinurno ng paborito kong panaderong Batangueño na si Ka Lucito Chavez ng Tinapayan Festival sa Dapitan street sa Sampaloc, Manila – ang pamunuan nito ay agad na nagpalabas ng paliwanag hinggil sa nag-viral na video nang pang-uumit.
Anila: “Unfortunately, in this isolated case, the delivery man took out bread slices from pulled out loaves for his personal use. This is a violation of company rules and procedures. The personnel involved is now undergoing administrative due process. Gardenia wishes to assure the general public that we are taking this very seriously and will be more vigilant to prevent such incident from happening again.”
Sa paliwanang na ito lalong nagdurugo ang puso ko. Bakit, gaano ba kaliit ang suweldo ng naturang pahinante para pagtiyagaan na mang-umit ng pais-isa na slice ng RETURNS na tasty, ipunin ito para kainin ba niya o pasalubong sa kanyang pamilya?
Sa pagkakaintindi ko kasi, kadalasan na ang mga tinatawag na RETURNS sa mga baked products, bukod sa luma na ay may mga inaamag pa.
Sa aking palagay, dito dapat mag-umpisa ng imbestigasyon ang pamunuan ng Gardenia Bakeries Inc, upang malaman nila kung ano ang nagtutulak sa kanilang tauhan na mang-umit ng mga tira-tirang tinapay -- para iuwi ba sa kanilang pamilya o ipantawid gutom nila habang nagtatrabaho sa kalsada?
Sana naman ay maging makatao sa imbestigasyong ito ang pamunuan ng naturang kumpniya – dahil kung wala, tahasan na sasabihin ko na bahagi na rin sila nang naglahong lahi ng makataong Pilipino sa ating bansa.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.