KUNG hindi magbabago ang takbo ng pag-uugali ng ilan sa mga bagong recruit na pulis, gaya ng nasa isang presinto sa siyudad ng San Juan, mas malamang na sila na ang pagmulan ng mga pulis na magiging LODI ng ating mga paslit, na ang kasalukuyang hini-“hero” ay mga bida sa video clips sa YouTube na palagi nilang pinanonood.
Noong nakaraang Huwebes – dahil sa kalakasan at walang tigil na pag-ulan, dalawang batang estudyante ang napilitan na makisilong sa Police Community Precinct-5 ng San Juan Police Station (SJPS).
No choice ang dalawa – kahit medyo naaasiwa sila sa lugar, eh ‘yun lang ang pinakamalapit na p’wede silang makisilong upang ‘di mabasa, at makaiwas sa sakit. Sa sobrang mahal ng mga gamot - bawal magkasakit ngayon - ‘di ba?
Laking gulat ng dalawang estudyante dahil ‘yung kinalakihan nilang takot mga pulis ay hindi nila naramdaman sa loob ng sinilungan na presinto. Bagkus pagmamahal at pagkalinga na may halong pag-alala na baka sila magkasakit ang kanilang dinanas sa PCP-5 ng SJPS.
Siyempre, dahil “ora de peligro”na, inabot ng gutom sa loob ng presinto ang dalawang bata. Naka-libre pa sila ng pananghalian habang nakikipagkulitan sa mga pulis.
Tuwang-tuwa tuloy ang mga magulang ng dalawang estudyante nang marinig ang ipinagmamalaking kuwento ng kanilang karanasan sa loob ng presintong sinilungan noong kalakasan ng ulan.
Komento ng mga magulang – sobrang “child friendly” ang naturang presinto, na napag-alaman kong ang hepe ay si Executive Master Sargeant Ramil De Jesus. Matikas na saludo para sa’yo Master Sgt de Jesus!
Hindi ito ang unang pagkakataon na nakapagtala ng simpleng kabutihan sa mga bata ang PCP-5, at sana ‘wag magbago ang mga batang pulis sa istasyon na ito, na ang bukambibig ng mga batang kanilang nakakuwentuhan: “Ang inyong pulis ay kakampi at hindi dapat katakutan basta walang ginagawang masama ang mga kabataan!”
Kasama sa kuwentuhan ang pagbibigay kaalaman kung paano iiwas sa illegal na droga at masamang dulot nito. Itinuturo rin sa mga bata ang iba’t ibang modus operandi ng mga kriminal at manggagantso at kung paano maiiwasan na maging biktima ng mga ito.
Nakamulatan naman kasi na kinatatakutan at nilalayuan ng mga mamamayan ang ating mga alagad ng batas, dahil sa kadalasa’y napapanood nila sa balita sa TV, naririnig nila sa radyo, at nababasa pa sa mga pahayagan, na karamihan sa mga pulis ay kasabwat ng mga kriminal at sindikato habang aktibo pa sa serbisyo.
Bukod pa rito ‘yung “feeling” na maraming pagkakataon na mahirap ang mga pulis na lapitan at hingian ng tulong ng taong bayan, kaya’t pati ang mga bata ay apektado – lalo pa’t ginagawang panakot ng mga magulang sa kanilang pasaway na anak ang salitang: “Hala ka may pulis sa labas, huhulihin ka!”
Nauso pa nga ‘yung kanta na panlilibak na may linyang ganito: “May pulis, may pulis sa ilalim ng tulay”-- na nabuo, dahil sa lantarang pangingikil noon ng mga pulis na nagta-trapik sa may Quezon Bridge sa Quiapo, Maynila sa mga drayber ng jeepney na namamasada sa lugar.
Pero sa totoo, konti lang naman ang mga pulis na nagbibigay ng masamang imahe sa buong organisasyon ng Philippine National Police (PNP). Mas maraming matino na karapat-dapat na igalang at papurihan.
Base sa obserbasyon ko – apat na dekada akong labas-masok sa mga kampo at presinto ng pulis -- karamihan sa mga ito ay napipilitan lang na maging corrupt, upang masunod ang kapritso ng kanilang nakaupong hepe. Nagpapalakas sila ng kapit para malagay at maging “untouchable” sa magandang puwesto.
Simple lang talaga ang kailangan upang mabalik ng lubusan ang tiwala ng mga mamamayan sa mga alagad ng batas-- mga huwaran na “bayaning pulis” na magiging LODI ng ating mga kabataan!
Mayroon na nito sa San Juan– sana mahawa naman ang mga pulis sa ibang istasyon.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.