HINDI ako nagalit bagkus ay napalatak, napailing at bumunghalit ng tawa na lamang sa patutsada ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na ang pagkakaroon umano ng BO o bad odor ng mga reporter ng Rappler, ang dahilan kaya ‘di niya pinapayagan na makapag-cover ang mga ito sa Malacañang. Aniya: “Itong mga Rappler, ah pagkatapos sabi ko, ‘P— ina ninyo ang babaho ng…’ I just cannot pronounce the kili-kili mo o ‘yung... Binabastos ko talaga sila. You leave me with no recourse. ‘Yung binabastos mo pagkatao ko!”
Ayaw ko na sanang patulan ang kuwentong ito – na para sa akin ay basura lamang-- ngunit ‘di ako mapakali na ‘di maibulalas ang aking nararamdaman sa pangyayaring ito.
Hindi ko kasi talaga lang maintindihan – sa dinami-rami ng problema ng bansa na dapat kalkalin at pag-usapan – ang angulo pang ito ng balita ang nakita at binigyan ng importansiya ng ilang editor na dumaan sa kopya ng mga reporter nila na nagko-cover sa Palasyo.
Nakagugulat ang biglang paglabasan ng balitang ito, na sinakyan at mas ikinalat pa ng mga grupong sobrang magmahal sa iniluklok nilang pangulo. At siyempre, para na rin libakin ang Rappler, isang online news agency na kritiko ng administrasyong ito. Todo reaksyon din naman ang mga tagapagtanggol ng nasa opposition, na nagsasabing ganito lang kababaw ang mga namumuno sa ating bansa.
’Di ko tuloy mapigil na maihambing ang ilan sa editor na ito sa masamang-asal ng mga buskador na batang kalye, na walang inatupag kundi tudyuhin ang kanilang mga kalaro at kasama sa paghahanapbuhay, dahil sa nakikita nilang problema sa pangangatawan ng mga ito.
Kung sabagay, “editorial judgement” nila ‘yun, at hindi ko ‘yan pinanghihimasukan. Ngunit hinahanap ko lang sa kanila ay ‘yung simpleng kagandahang asal, na natutuhan namin noon ng mga ka-henerasyon ko sa subject na GMRC (Good Manners and Right Conduct), na ang kapintasang pang-personal ng isang tao ay hindi ipinagsisigawan sa buong barangay, bagkus ibinubulong ito sa kanya upang mabigyan pansin nito at agad malunasan.
Nguni’t ang pagbibigay halaga sa pang-iinsulto sa isang tao, dahil nagmula lamang ito sa bibig ng isang mataas na opisyal sa pamahalaan, ay hindi ko talaga maintindihan at sasang-ayunan!
At ang hindi katanggap-tanggap pa rito ay ang ginawang pagkuha ng ilang editor na ito sa “reaction” ng mga taga-Rappler. Weh, ano ba naman kayo – anong gusto ninyong gawin ng mga taga-Rappler, i-deny ang story ninyo. Sa paanong paraan? Mag-aamuyan sila, ganun, tapos sasabihin nila na hindi mabaho mga kili-kili namin – mababango kami.
Oh ‘di ba isang malaking kagaguhan ang pagpatol sa anggulo ng balita na ‘yan, dahil sa bandang huli – mas malamang na sasabihan ng mga tagapagsalita ng Palasyo na – JOKE lang yun o kaya naman ay Figure of Speech lang!
Bigla tuloy pumasok sa aking isipan ang ginawang pagsaway sa akin ng paborito kong guro sa mababang paaralan -- anim na dekada na ngayon ang nakararaan -- nang marinig niya na tinutukso ko ang isa kong kamag-aral na akin din naman na kalaro: “Ang tunay na kaibigan ay ‘yung magbubulong sa iyo na may ‘bad breath’ ka na dapat mong gamutin. Hindi ito ipinangangalandakan pa sa ibang tao.”
Simpleng isyu lamang ito ng GMRC– na ang pamimintas ng isang tao sa kanyang kapwa, ay ‘di dapat binibigyan ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagkukuwento nito sa iba.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.