Ginulantang ng University of Santo Tomas ang defending girls champion De La Salle-Zobel, 25-15, 21-25, 25-19, 25-18, habang sinimulan ng Nazareth School of National University ang bagong era sa ilalim ng bagong coach na si Regine Diego sa pamamagitan ng pagdomina sa University of the Philippines Integrated School, 25-8, 25-15, 25-18 sa UAAP Season 82 Girls’ Volleyball Tournament sa FEU-Diliman Gym noong Sabado.
Pinamunuan ni Renee Lou Peñafiel ang Junior Tigresses sa ipinoste nyang 20 puntos kasunod si Regina Jurado na may 12 hits at katulong si Season 81 best libero Det Pepito na may 21 digs at 11 receptions.
Nanguna naman si reigning MVP Angel Canino para sa Junior Lady Spikers sa ipinoste nitong 12 puntos.
Si team captain Erin Pangilinan naman ang namuno sa Bullpups sa ipinoste nitong 10 puntos.
“We’ve been preparing for UAAP for the last two weeks pa lang naman kasi after ASEAN, nagrest talaga kami, so it’s a good start even though it’s not the best, kahit na injured si Alyssa (Solomon), we went through naman sa game,” pahayag ni Diego na pumalit sa dating coach na si Babes Castillo.
Humataw ang NU ng 16 na service aces na naging susi sa panalo na nagbaba naman sa Junior Maroons sa markang 0-2.
Sa isa pang laban, naungusan ng Adamson University ang Far Eastern University-Diliman sa loob ng limang sets, 15-25, 25-17, 19-25, 25-23, 15-10.
Nagposte si Kate Santiago ng game-high 23 puntos para sa Baby Falcons kasunod sina Raisa Ricablanca at Kyla Cordora na may tig- 11 puntos.
Nanguna naman si Nikka Medina na nagposte ng 14 puntos mula sa 10 attacks, 3 blocks at isang ace para sa natalong Baby Tamaraws.
-Marivic Awitan