Nakalusot ang Far Eastern University sa tangkang pagbalikwas ng University of the East upang maiposte ang 70-59 na panalo kahapon sa UAAP Season 82 Women’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.

Nagtala si Clare Castro ng 20 puntos, 13 rebounds, at 6 blocks upang pamunuan ang Lady Tamaraws sa nasabing bounce back win.

“Wala silang malaki, so kailangan natin gamitin si Clare,” ayon kay FEU coach Bert Flores. “Pag nilabas mo si Clare, halos bulilit na ang players namin eh.”

Nakabalikat ni Castro si Choy Bahuyan na nagdagdag ng 16 puntos, 6 rebounds, 3 steals, at 2 assists, gayundin si Fatima Quiapo na umiskor ng 12 puntos, 6 rebounds, at 4 assists.

Pambansang Kamao Manny Pacquiao, nag-senti? Ilang netizens, todo-comfort!

Mula sa 34-15 nilang halftime lead , pinalobo pa ng FEU ang kalamangan hanggang 18 sa iskor na 53-35, papasok ng fourth quarter.

Ngunit nakuhang humabol ng UE sa pangunguna ni Princess Pedregosa at ibinaba ang bentahe sa siyam, 48-57 may 5:32 pang oras na natitira sa laro.

Sa kabila ng nangyari, naniniwala si Flores na nabigyan ng kumpiyansa ang mga nakababata at mga bagito nilang manlalaro ng kumpiyansa ng nasabing panalo.

“Binigyan ko din ng confidence yung mga bagong players namin. Eight players ang mawawala next year, so kailangan silang bigyan ng confidence,” ani Flores matapos makabawi sa unang araw nilang kabiguan sa kamay ng defending champion National University.

Tumapos namang topscorer si Pedregosa para sa Lady Warriors sa itinal nyang double-double 21 puntos at 14 rebounds.

Sa ikalawang laro, sumalo ang Ateneo de Manila sa NU sa pamumuno matapos makamit ang ikalawang sunod nilang panalo sa pamamagitan ng 92-90 paggapi sa De La Salle University.

Nagposte si Alyssa Villamor ng 20 puntos, 9 rebounds, 4 assists at 2 steals upang giyahan ang panalo.

Namuno naman sa nabigong Lady Archers na bumagsak sa patas na markang 1-1 si rookie Kent Pastrana na may 21 puntos.

-Marivic Awitan