NANAWAGAN si Rep. Manny Lopez ng Maynila, pinuno ng House Committee on Metro Manila Development, sa Kongreso na balikan ang Kaliwa Dam project na isinusulong ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) upang mapalakas ang suplay ng tubig sa Metro Manila, isang pangangailangan na nakakuha ng matinding atensyon mula sa publiko nitong tag-araw nang makaranas ng matinding pagkaantala sa suplay ng tubig ang maraming lugar sa metro.
Kinukuwestiyon ngayon ng Commission on Audit (CoA) ang naging proseso ng bidding para sa New Centennial Water Supply Project o Kaliwa Dam, na popondohan sa ilalim ng Official Development Assistance (ODA). Sa isang Audit Observation Memorandum na naka-address sa MWSS administrator, kinuwestiyon ng CoA ang kuwalipikasyon ng dalawa sa tatlong bidder. Lumalabas umano na tila isinama lamang ang dalawa upang mapunan ang panuntunan na hanggang tatlong bidder sa ilalim ng Procurement Law, ayon sa CoA. Sinabi ni Congressman Lopez na kailangang tugunan ng MWSS ang mga nasilip ng CoA bago umusad ang proyekto.
Sa naging pagdinig ng komite ni Lopez sa Kamara nitong nakaraang linggo, sinabi ng MWSS administrator na magsisimula ang konstruksiyon ng Kaliwa Dam kapag nakuha na nito ang environmental compliance certificate mula sa Department of Environment and Natural Resources.
Ngunit ang dam na ito ay mahigpit na tinututulan ng tribong Dumagat sa pangamba sa mapapaalis ang kanilang komunidad dulot ng proyekto. Kapag natapos, aabot ang lebel ng tubig ng dam sa 150 metro, na mas mataas sa kalapit nitong barangay ng Daraitan at iba pang komunidad sa probinsiya ng Quezon. Isang katunggaling plano ang isinumite ng kumpanya mula Japan na Global Utility Development, na hindi magdudulot ng pagbaha sa lugar.
Nanawagan din si Congressman Lopez sa pamahalaan upang muling pag-aralan ang pondo para sa proyekto. Bilang isang proyekto sa ilalim ng Official Development Assistance (ODA), ipagkakaloob ng China ang P12.2 bilyon— halos 64 na porsiyento ng P18.7-bilyong gugugulin para sa pagtatayo ng dam. Sa ilalim ng PPP, ani Lopez, hindi kinakailangang maglabas ng pamahalaan ng anumang halaga.
Isa lamang ang Kaliwa Dam sa mga proyekto na inaasahang magpapalakas sa suplay ng tubig sa lumalagong populasyon ng Metro Manila. Kinakailangan natin ang lahat ng dagdag na suplay ng tubig na maaari nating makuha, ngunit kailangan din nating siguraduhin na ang lahat ng mga proyektong ito ay dumaan sa panuntunan ng pamahalaan at ang pinakamainam mula sa maraming mungkahi na isinumite para masolusyunan ang problema sa tubig ng ating rehiyon.