IBA KA JAZ!
Ni Edwin Rollon
HINDI matatawaran ang husay at kagitingan ni Micaela Jasmine Mojdeh sa mga nilahukang international age-group competition. Sa edad na 13-anyos, mas mataas na antas ng kompetisyon ang lalahukan ng tinaguriang ‘PH Swimming Princess’.
Sa inilabas na memorandum ng Philippine Swimming Inc., kasama ang kasangga sa Swimming Pinas Club na si Marcus De Kam, kabilang ang dalawang junior standout sa six-man Philippine Team na sasabak sa swimming competition ng 10th Asian Age Group Swimming Championship sa Setyembre 24 hanggang Oktubre 2 sa Bengaluru City, India.
Napabilang sina Mojdeh at De Kam sa Team Philippines na binuo ng Philippine Swimming Inc,, sa pagtataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), matapos maabot ang qualifying times sa impresibong kampanya sa katatapos na Philippine Open sa New Clark City.
“Masayang-masaya po ako sa opportunity na maging part ng Philippine Team sa Asian Championship. I’ll try my best po, para manalo and ma-improved yung personal best ko,” pahayag ng Bent School student.
Laban sa mas beterano at mas matatandang karibal, nagawang makaiskor ni Mojdeh ng tatlong bronze medal (400 IM, 200 Fly, 100 Fly), tampok ang bagong Philippine junior record sa 100m fly.
Bago ang Philippine Open, ratsada si Mojdeh para tanghaling tanging Pinay na nagwagi ng gintong medalya sa Hong Kong Open Seniors Championship sa Hong Kong.
“We are very thankful sa lahat ng tao na tumulong para ma-improve ang talent ni Jasmine. Proud po kami sa kanya at alam namin proud din si coach Susan Papa sa nangyayari sa kanyang career,” pahayag ni Joan, ina ni Mojdeh, patungkol sa namayapang Olympian na si Susan Papa, humubog sa galing ng batang Mojdeh sa grassroots program ng Philippine Swimming League (PSL).
Humirit naman si De Kam ng bronze medal sa 1,500-meter Freestyle sa Open. Kabilang siya sa regular na nag-uuwi ng medalya sa international competition.
Makakasama nina Mojdeh at De Kam sa kampanya sina Mishka Sy at Jahlil Taguinod sa delegasyon na hahawakan nina coach Miguek Ibazeta (men’s team at Erica Lukang (women’s team).
Bukod sa swimming, sasabak din ang Team Philippines sa Asian tilt sa diving at artistic swimming.